Ang pagbabawi ng Panginoon ay ang pagbabawi ng kaisahan ng Katawan ni Kristo. Ang kaisahan ay nagsasanhi sa bayan ng Diyos na matamasa ang Kanyang iniutos na pagpapala ng buhay (Awit 133). Kapag ang bayan ng Diyos ay iisa, may daan upang maitayo ang Katawan ni Kristo. Sinabi ni Kapatid Lee:
“Para sa pagtatayo ng Katawan, may pangangailangan para sa kaisahan… Ito ay sa dahilang ang Katawan ni Kristo ay iisa at ang bagong tao ay iisa rin; yaon ay, mayroong isang Katawan at isang bagong tao. Ang kayamanan ni Kristo, na nagbubunga ng Katawan at ng bagong tao, ay lubusang naisasarealidad sa Espiritu. Mayroong iisang Katawan at iisang Espiritu (b. 4), kaya kailangan nating ingatan ang kaisahan. Kung mapipinsala ang kaisahan, mawawala ang pagtatayo. Kahit na mayroon tayong pinakamainam na pagtatamasa ng kayamanan ni Kristo, kung maiwawala natin ang kaisahan, walang posibilidad para sa pagtatayo ng Katawan.”
(Salin mula sa The Greatest Prophecy in the Bible and Its Fulfillment, Ch. 4)
Sa kabilang panig, sinabi ni Kapatid Lee na ang lahat ng suliranin sa ekklesia ay may kaugnayan sa kawalan ng kaisahan (Salin mula sa The Church as the Body of Christ, Ch. 12). Dahil napakahalaga ng kaisahan, isa sa mga estratehiya ni Satanas laban sa ekklesia ay ang magsanhi ng pagkakabaha-bahagi (Salin mula sa Satan’s Strategy against the Church).
Ang Pagbabaha-bahaging Gawain ng Kaaway
Sa loob ng maraming siglo, gumagawa si Satanas upang hadlangan ang bayan ng Diyos mula sa pagiging isa. Nagsimula ito sa Babel at nagpatuloy sa kasaysayan ng mga anak ni Israel, sa partikular ay sa pagtatayo ni Jeroboam ng mga mapagbaha-bahaging sentro ng pagsamba dahil sa kanyang ambisyon (1 Hari 12:25-33). Nagpatuloy ito sa Bagong Tipang kapanahunan, gaya ng pinatunayan ng mga pagkakabaha-bahagi at mga pagpapangkat-pangkat sa ekklesia sa Corinto (1 Cor. 11:18-19). Ito ang gawain ng kaaway upang hadlangan ang pagtatayo ng Katawan ni Kristo.
Ang prinsipyong ito ng pagkakabaha-bahagi ay gumagawa pa rin ngayon. Sa sanlibutan, hindi natin makikita ang kaisahan sa maraming sitwasyon. Ang pagkakabaha-bahagi ay nasa lahat ng dako—sa gitna ng mga bansa, sa politika, sa negosyo, sa mga paaralan, at kahit sa mga pamilya. Makikita rin natin ang pagkakabaha-bahagi sa Kristiyanidad at sa gitna ng mga mananampalataya.
Pagiging Mapagbantay laban sa mga Banta sa Kaisahan
Bilang mga yaong para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo, kailangan nating pagsumakitang ingatan ang kaisahan ng Espiritu (Efe. 4:3). Kung wala ito, wala tayong paraan na maiaplay ang natitirang seksiyong ito ng Banal na Salita. Hindi tayo mapasasakdal ng mga kaloob na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang Katawan (b. 12), hindi tayo makararating sa kaisahan ng pananampalataya (b. 13), hindi tayo lalago tungo kay Kristo sa lahat ng bagay (b. 15), at hindi tayo maitatayo bilang Katawan ni Kristo sa pamamagitan ng pagtutustusan sa gitna ng mga banal (b. 16). Kailangan nating masigasig na magbantay laban sa mga mapagbaha-bahaging salik, na maaaring mabuo sa loob natin nang hindi natin namamalayan. Kaugnay rito, suriin natin ang ilang halimbawa mula sa Biblia at sa ating kasaysayan para sa ating pagkatuto.
Ang Apat na Salik ng Pagkakabaha-bahagi
Sa Truth Messages, tinukoy ang apat na salik ng pagkakabaha-bahagi: pagkamakasanlibutan, ambisyon, pagtataas sa sarili, at mga opinyon at mga konsepto (Kap. 5). Sinasanhi ng mga salik na ito na mabaha-bahagi ang mga tao. Sa dahilang ang mga salik na ito ay nasa atin, imposible para sa atin na maging iisa sa ating mga sarili.
Sa mga salik na ito, binanggit ni Kapatid Lee na ambisyon ang unang nakatagong “gofer” na pumipinsala sa pagbabawi ng Panginoon (Salin mula sa A Word of Love to the Co-workers, Elders, Lovers, and Seekers of the Lord, Ch. 3). Sa Lumang Tipan, nagtayo ng mga mapagbaha-bahaging sentro ng pagsamba si Jeroboam dahil ikinatakot niya ang pagkawala ng kanyang kaharian kung ang mga nasa sampung lipi ay pupunta sa Herusalem para sumamba. Bagama’t maaaring hindi tayo magtayo ng ating sariling grupo o sekta gaya ng ginawa ni Jeroboam, maaaring mayroon tayong ambisyon na maging pinuno o magkaroon ng sarili nating tagasunod. Sinabi ni Kapatid Lee:
“Ang iyong ambisyon ay maaari ding ang mamighani ng mga tao upang maging iyong mga pribadong kamanggagawa. Maaari kang mang-akit, manghalina, at mambihag ng mga tao para sa layuning ito. Nangangahulugan ito na sa iyong gawain sa pagbabawi ng Panginoon ay mayroon kang isang partido kung saan ang ilang mga taong malapit sa iyo ay nabihag, naakit, at nahalina mo. Hinahangaan nila ang iyong abilidad, at hinahangaan nila ang iyong kapasidad, kaya naninindigan silang kasama mo. Pagkatapos, sila ay magiging iyong partikular na mga kamanggagawa. Sila ay mga kamanggagawa sa pangkalahatan, ngunit sa partikular, sila ay mga kamanggagawa ng isang partikular na tao. Hindi mo ba napagtatanto na may ganoong sitwasyon sa pagbabawi ng Panginoon? Nakita ko na ito sa karanasan.”
(Sallin mula sa A Word of Love to the Co-workers, Elders, Lovers, and Seekers of the Lord, Ch. 3)
Ang herarkiya ay produkto ng ambisyon, ng pagnanais na maging nangingibabaw sa iba. Anumang makaherarkiya o organisasyon ay mula sa natisod, pantaong katha at salungat sa organikong kalikasan ng Katawan.
Ang opinyon ay isa ring pangunahing sanhi ng pagkakabaha-bahagi. Sa Perfecting Training, sinabi ni Kapatid Lee na opinyon ang pinagmumulan ng lahat ng pagkakabaha-bahagi at kalituhan sa gitna ng mga Kristiyano sa nakalipas na labinsiyam na siglo (Chp. 3). Sa katunayan, ang maraming denominasyon sa Kristiyanidad ay mga kinalabasan ng iba’t ibang opinyon. Ang bawat grupo ay isang kahayagan ng isang tiyak na opinyon. Salungat ito sa salita ni Apostol Pablo sa Roma 14, kung saan sinasabihan niya ang mga taga-Roma na tanggapin ang mga mananampalataya ayon sa pagtanggap ng Diyos, hindi ayon sa mga konseptong batay sa doktrina.
Itong apat na salik ng pagkakabaha-bahagi ay hindi nagpapaloob ng lahat. Sa The Normal Christian Church Life, binabanggit ni Kapatid Nee ang pitong ipinagbabawal na batayan ng pagkakabaha-bahagi, na hindi dapat maging mga dahilan para mabaha-bahagi ang mga mananampalataya. Kasama sa mga ito ang mga espiritwal na pinuno, mga instrumento ng kaligtasan, pagiging di-makasekta, mga pagkakaiba sa doktrina, mga pagkakaiba sa lahi, mga pambansang pagkakaiba, at mga panlipunang pagkakakilanlan (Chp. 5). Ipinakita rin sa atin ni Kapatid Lee na nakapaloob sa pagkakabaha-bahagi ang lahat ng negatibong bagay, gaya ni Satanas, kasalanan, pagkamakasanlibutan, ang laman, ang sarili, ang lumang tao, at masamang ugali (Salin mula sa The Genuine Ground of Oneness, Ch. 3). Nawa’y maligtas tayong lahat mula sa lahat ng salik na ito ng pagkakabaha-bahagi!
Ang Nakatagong Mapagbaha-bahaging mga Salik sa isang Nakaraang Kaguluhan
Tinukoy rin ni Kapatid Lee ang ilang mapagbaha-bahaging salik na nalantad noong 1989. Nagsanhi ng kaguluhan ang mga salik na ito sa nakaraan, at nararapat nating isaalang-alang ang mga ito ngayon. Kasama sa mga ito:
- Ang intensiyong gumawa ng karagdagang gawain sa natatanging gawain ng pagbabawi ng Panginoon
- Ang pagkiling na panatilihin ang magkakahiwalay na mga teritoryo
- Ang daan ng hindi paghahalo ng gawain ng isa sa gawain ng iba
- Ang nakatagong pag-asam na maging isang kilalang tao sa gawain ng Panginoon
- Ang kapabayaan tungkol sa pag-iingat ng isang puso’t kaisipan sa pagbabawi ng Panginoon
(Salin mula sa Elders’ Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way (2), Ch. 1)
Kailangan nating mabalaan laban sa pagkiling na panatilihin ang magkakahiwalay na teritoryo sa gawain at sa hindi paghahalo ng ating gawain sa gawain ng iba. Mayroon lamang isang gawain upang maitayo ang isang Katawan. Bagama’t pinangangalagaan ng mga manggagawa ang ilang aspekto ng gawain dahil sa pangangailangan, ang bahaging iyon ng gawain ay hindi nagiging kanilang hurisdiksiyon kung saan maaari silang gumamit ng awtoridad at di-isama ang iba (Salin mula sa Regions of the Work and Companies of Workers, Ch. 7). Sa katunayan, ang mga lugar na nakahiwalay ay naging mga sanhi ng kaguluhan sa nakaraan. Sinabi ni Kapatid Lee:
“Maaaring gusto ng ilan sa mga kamanggagawa na ang kanilang lokalidad o lugar ng bansa ay mapanatiling nagsasarili at, maaaring nakahiwalay pa nga. Ayon sa ating kasaysayan, nang nangyari ito noong nakaraan, nagmula ang kaguluhan sa mga nakahiwalay na lugar at lunsod na ito.”
(Salin mula sa Elders’ Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way (2), Ch. 1)
Sa kabaligtaran, kahit na sa Bagong Tipan, ang gawain ni Pedro na pangunahing sa mga Hudyo at ang gawain ni Pablo sa mga Hentil ay magkaugnay at para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo. Nagtungo upang makipagsalamuha si Pablo sa mga apostol at mga matanda sa Herusalem (Gawa 15:2, 4; 21:17-20a), habang ang resulta ng gawain ni Pedro ay umabot sa Corinto, na isang Hentil na lunsod (1 Cor. 1:12).
Dapat din tayong maging mapagbantay sa pagpapabaya at hindi pag-iingat ng isang puso’t kaisipan, na siyang pagsasagawa ng kaisahan. Sa Efeso 4:2-3, ang ingatan ang kaisahan ay may kaugnayan sa pagiging mapagpakumbaba at maamo patungkol sa ating sarili, at pagiging mapagpahinuhod tungo sa iba at pagbabata sa kanila sa loob ng pag-ibig. Ang maging mapagpakumbaba ay ang manatili sa isang mababang katayuan, ang maging maamo ay ang hindi paglaban para sa sarili, at ang maging mapagpahinuhod ay ang batahin ang masamang pagtrato (Talababa 1). Ang pagsasagawa ng mga ito ay nangangailangan ng ating pagpasan ng krus. Kung hindi natin hahayaan ang krus na gumawa sa atin, hindi tayo magiging isa. Sa kabilang panig, sa pamamagitan ng krus ay nailalabas tayo mula sa ating sarili at nadadala tungo sa kaisahan sa Tres-unong Diyos.
Upang maingatan ang isang puso’t kaisipan, kailangan nating manatili sa pagtuturo at salamuha ng mga apostol. Nangangahulugan ito na kailangan nating iwasang magkaroon ng mga naiibang pagtuturo, na nagbubunga ng mga pagtatanong sa halip na ekonomiya ng Diyos. Ang mga naiibang pagtuturo ay pangunahing pinagmumulan ng mga pagkakabaha-bahagi at ng pagbaba ng ekklesia (1 Tim. 1:3-4, 6-7; 6:3-5, 20-21). Sinabi ni Witness Lee:
“Kung tayo ay nagtuturo ng mga bagay na iba kaysa sa binibigyang-diin ng Bagong Tipan, tayo ay nagtuturo nang naiiba, at magiging mahirap para sa atin na maging isa talaga. Kung mayroon tayong maraming iba’t ibang pagtuturo, magkakaroon din tayo ng maraming iba’t ibang pagsasagawa na nagreresulta sa pagkakabaha-bahagi. Kung gayon ay imposibleng magkaroon ng isang puso’t kaisipan, ng kaisahan.” (Salin mula sa Elders’ Training, Book 07: One Accord for the Lord’s Move, Ch. 7)
Dalangin natin na liwanagan tayo ng Panginoon upang makita natin ang pagbabaha-bahaging gawain ng kaaway sa gitna natin. Nawa’y maligtas tayo sa anumang pagkakabaha-bahagi, upang tayo ay maging isa para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo.
Mga Halaw mula sa Ministeryo
Salin mula sa A Word of Love to the Co-workers, Elders, Lovers, and Seekers of the Lord, Chapter 3
MAG-INGAT SA AMBISYON
Sa kapitulong ito ay nais kong isalamuha sa inyo ang ilan pang mahahalagang bagay. Una, dapat tayong mag-ingat sa ilang salik. Ang mga salik na ito ay tulad ng mga lobo, mga umuungal na leon, at mabibilis na mga sasakyan sa lansangan na maaaring makapinsala sa atin. Ang unang salik ay ang ambisyon. Ang isinulat ko sa kalakip na balangkas ay ayon sa aking personal na karanasan. Hindi ko ibig sabihin na kayo lang ang may mga negatibong puntong ito at ako ay wala. Naranasan ko na rin ang mga ito. Sino ang walang ambisyon? Sa gawain ng Panginoon, ang ambisyon ay ang maging pinuno. Kung ikaw ay kabilang sa mga kamanggagawa, maaaring gustuhin mong maging pinuno. Kung hindi ka maaaring maging una sa kanila, maaaring gustuhin mo pa ring maging “bise-presidente.” Kahit na ang mga kapatid na babae na may mga kasama sa silid ay nais na maging pinuno sa kanila. Sa ekklesia, maaaring gustuhin mong maging matanda, nangungunang matanda pa nga, ang pinuno ng mga matanda.
Ikalawa, maaaring ang iyong ambisyon ay ang makakuha ng isang lugar, kahit isang distrito, para sa iyong gawain. Sino ang walang gayong ambisyon? Nakasama ko si Kapatid Nee, at natuto ako mula sa kanya. Hindi ko nakita kailanman na nag-ambisyon siyang makakuha ng isang lugar, isang tiyak na distrito upang maging kanyang distrito o maliit na emperyo. Ang isang distrito sa ganitong pakahulugan ay isang maliit na emperyo. Maaaring gustuhin mong maging isang emperador sa iyong distrito, na ang lahat ay nasa ilalim ng iyong kontrol at pamumuno at kung saan ang lahat ay dapat makinig sa iyo. Sino ang hindi ganito? Ako ay dating ganito, ngunit tinuos ako ng Panginoon. Ang iyong ambisyon ay maaari ding ang mamighani ng mga tao upang maging iyong mga pribadong kamanggagawa. Maaari kang mang-akit, manghalina, at mambihag ng mga tao para sa layuning ito. Nangangahulugan ito na sa iyong gawain sa pagbabawi ng Panginoon ay mayroon kang isang partido kung saan ang ilang taong malapit sa iyo ay nabihag, naakit, at nahalina mo. Hinahangaan nila ang iyong abilidad, at hinahangaan nila ang iyong kapasidad, kaya naninindigan silang kasama mo. Pagkatapos, sila ay magiging iyong partikular na mga kamanggagawa. Sila ay mga kamanggagawa sa pangkalahatan, ngunit sa partikular, sila ay mga kamanggagawa ng isang partikular na tao. Hindi mo ba napagtatanto na may ganoong sitwasyon sa pagbabawi ng Panginoon? Nakita ko na ito sa karanasan.
Simula noong 1984 ay tumawag ako ng tatlong mahalagang-mahalaga at apurahang kumperensiya ng mga kamanggagawa at mga matanda. Sa aking pambungad na salita ay tinalakay ko na sa gitna natin ay mayroong pagkiling sa pagkakabaha-bahagi. Ang ibig kong sabihin ay gustong panatilihin ng ilan na may kakayahang kamanggagawa sa pagbabawi ng Panginoon ang kanilang distrito bilang kanilang imperyo, at gusto nilang akitin ang mga tao upang maging kanilang partikular na mga kamanggagawa. Lahat tayo ay mga kamanggagawa sa pangkalahatan, ngunit ang ilan ay naging partikular na mga kamanggagawa ng ilang mga nang-aakit. Kung kaya, binalaan ko kayong lahat. Pagkatapos ng aking pagsasalita, isa sa mga kamanggagawa ang tumayo upang ipagtapat na ito nga ang nangyayari. Gayunpaman, sa oras na iyon ay napagtanto ko na hindi sapat ang lakas ng kanyang pagpapahayag. Napakahina nito, at ngayon siya ay naging isang suliranin sa pagbabawi ng Panginoon. Sinasabi pa rin niya na siya ay nasa pagbabawi, at kinukuha pa rin niya ang batayan ng lokalidad. Ipinoprotesta niya na ang kanyang pagpupulong ay isang ekklesia-lokal, at ipinahahayag niya na siya ay kaisa ni Kapatid Lee. Tinatanggap niya ang aking ministeryo, at tumatanggap siya ng mga standing order ng mga aklat ng Living Stream Ministry kahit hanggang ngayon. Kamakailan, kinausap niya ako nang halos isang oras para ipaliwanag ang kanyang paninindigan. Sinabi ko sa kanya na nadama ko na hindi iyon ang panahon ng Panginoon para tumugon sa kanya sa oras na iyon. Nang maglaon, pagkatapos ng karagdagang pagsasaalang-alang kasama ang Panginoon, nadama ko na nakatanggap ako ng malinaw na salita at iyon na ang panahon ng Panginoon para tumugon. Nadama ko na sabihin sa kanya, “Ikaw ay isang pagkakabaha-bahagi, at anuman ang iyong gawin sa iyong lugar ay isang pagkakabaha-bahagi dahil pinutol mo ang iyong pakikipagpulong sa lahat ng ekklesia sa pagbabawi. Bukod dito, gusto mong bisitahin ang mga mapagrebelde at tumayong kasama nila. Dapat mong matanto na ang lahat ng ekklesia ay isang Katawan. Hindi ka maaaring tumayong mag-isa, hiwalay sa ibang mga ekklesia. Kung gagawin mo ito, isa kang pagkakabaha-bahagi.” Sinabi ng ilan sa Corinto, “Ako ay kay Pablo, at ako ay kay Apolos, at ako ay kay Cefas, at ako ay kay Kristo” (1 Cor. 1:12). Kinondena sila ni Pablo dahil dito. Kahit na sabihin mo na ikaw ay kay Kristo, iyon ay isang pagkakabaha-bahagi. Para bang sinabi ni Pablo sa kanila, “Nababahagi ba si Kristo? Bakit sinasabi mo na ikaw ay kay Pablo? Huwag kang maging sa akin. Ako ay sa inyo, at tayong lahat ay kay Kristo.” Ipinakikita ng 1 Corinto na hindi dapat magkaroon ng anumang pagkakaiba sa gitna natin. Walang sinuman ang kay Cefas, walang sinuman ang kay Apolos, walang sinuman ang kay Pablo, ang pinakamataas na apostol, at walang sinuman ang kay Kristo nang hiwalay sa iba. Tayong lahat ay kay Kristo, na hindi nababahagi.
Ang ating natisod na disposisyon sa ating kapanganakan ay palaging gustong mambighani ng mga tao. Kung ang isang tao ay maaaring gumawa ng isang gawain para sa Panginoon, maaaring gusto niyang makaakit ng mga tao. Maaaring gusto niya silang mahalina at mabighani, at kung magtagumpay siya sa pambibighani sa iba, ang mga nabighani ay nagiging miyembro ng kanyang munting partido. Sa pagbabawi ng Panginoon ay may posibilidad na magkaroon ng ganoong partido. Kung mayroon kang pagkakataon at panahon, maaari mong gawin ito. Hindi mo ginawa ito dahil hindi ka nagkaroon ng pagkakataon, kondisyon, at sitwasyon, ngunit kung mayroon ka ngang pagkakataon, maaaring gawin mo ito. Ito ang unang “gofer na nasa ilalim ng lupa” na pumipinsala sa pagbabawi ng Panginoon. Maaaring nasira ka na nito. Sa loob mo ay maaaring naroon ang napakalakas na nakatagong “gofer” na ito. Itinuturing kong ito ang unang suliranin.
Salin mula sa Elders’ Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way (2), Chapter 1
ANG NAKATAGONG MAPAGBAHA-BAHAGING MGA SALIK SA NAKARAAN
Nagsimula ang kasalukuyang kaguluhan sa gitna natin sa nakaraan, ngunit ang permentasyon o ang proseso ng paglelebadura ay hindi gaanong naihayag hanggang noong 1985. Nagpatuloy ang proseso ng paglelebadura sa loob ng mga nakaraang ilang taon at lubusang naihantad ngayong taon (1989). Noong Agosto ng taon na ito, nagsimulang maglimbag ang mga kapatid na lalaki na namumuno sa kasalukuyang kaguluhan ng isang papel na tinatawag na The Word and the Testimony bilang lahad na pagsalungat sa pagbabawi at ministeryo ng Panginoon.
Mula 1984 hanggang 1986, nagpatawag ako ng tatlong mahalagang-mahalaga at apurahang pagsasanay para sa mga matanda. Ang una ay noong Pebrero 1984, ang ikalawa ay noong Setyembre 1985, at ang huli ay noong Pebrero 1986 (tingnan ang Elders’ Training, Books 1—8). Ang aking panimulang salita sa dalawa sa tatlong pagsasanay na ito para sa mga matanda ay hinggil sa panganib ng pagkakabaha-bahagi.
Ang Intensyong Gumawa ng Karagdagang Gawain sa Natatanging Gawain ng Pagbabawi ng Panginoon
Ang kasalukuyang suliranin sa gitna natin ay nagmula sa isang bagay na nakatago sa nakaraan. Ang isa sa mga nakatagong bagay na ito ay ang intensiyong gumawa ng karagdagang gawain sa natatanging gawain ng pagbabawi ng Panginoon. Sa pagbabawi, mayroong isang tiyak na gawain na para sa pagtatayo ng mga ekklesia-lokal tungo sa pagtatayo ng pansansinukob na Katawan ni Kristo. Ito ang gawain. Ngunit sa gitna natin, nagkaroon ng isang pangyayari na may isang tao na nagnais na gumawa ng karagdagang gawain sa loob ng gawain. Hindi umaalis ang taong ito sa pagbabawi ni hindi niya isinusuko ang buhay-ekklesia. Sa halip, nagpumilit siya na magkaroon ng sariling partikular na gawain, sa pamamagitan ng sarili niyang pagsisikap, sa loob ng pagbabawi. Ito ay isang mapagbaha-bahaging salik.
Ang Pagkiling na Panatilihin ang Magkakahiwalay na mga Teritoryo
Ang isa pang nakatagong mapagbaha-bahaging salik ay ang pagkiling na panatilihin ang magkakahiwalay na mga teritoryo. Ang gawain at pagkilos ng Panginoon para sa pagsasakatuparan ng walang hanggang ekonomiya ng Diyos ay natatanging isa. Kung ituturing natin ang anumang rehiyon kung saan tayo nakikibahagi sa natatanging gawain ng Panginoon bilang ating partikular na teritoryo, ito ay magiging isang sanhi o isang salik ng pagkakabaha-bahagi. Maging ang pagkiling na magpanatili ng isang nakahiwalay na teritoryo ay kailangang bunutin. Dapat tayong gumawa para sa Panginoon sa loob ng Kanyang sukat (2 Cor. 10:13-16), ngunit hindi natin dapat ituring ang sukat na ibinigay sa atin ng Panginoon bilang ating partikular na teritoryo. Ang ating lokal na gawain sa ating rehiyon ay dapat na para sa pansansinukob na Katawan ng Panginoon. Sa Bagong Tipan, wala tayong makikitang anumang bagay na gaya ng hurisdiksiyon sa gawain ng Panginoon.
Ang Daan ng Hindi Paghahalo ng Gawain ng Isa sa Gawain ng Iba
Sa nakaraan ay mayroong nakatagong salik ng paggawa sa daan ng hindi paghahalo ng gawain ng isa sa gawain ng iba. Inihahayag sa atin ng Bagong Tipan na ang gawain ni Pedro para sa Panginoon, na pangunahing sa lupain ng mga Hudyo, at ang kay Pablo, na pangunahing sa lupain ng mga Hentil, ay para sa iisang Katawan ni Kristo, nang walang pagkakaiba o pagkakahiwa-hiwalay. Sa halip, sila ay iisa sa pagsasagawa ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos. Ang resulta ng gawain ni Pedro ay naisakatuparan sa Corinto (1 Cor. 1:12), at si Pablo ay pumunta sa Herusalem upang makipagsalamuha sa mga apostol at mga matanda roon (Mga Gawa 15:2, 4; 21:17-20a). Ang ganitong uri ng pagsasalamuha, gaya ng sirkulasyon ng dugo ng ating pisikal na katawan, ay nakatutulong sa Katawan ni Kristo sa sirkulasyon ng dibinong buhay. Inihahalo nito ang iba’t ibang bahagi ng ating gawain para sa pagbabawi ng Panginoon tungo sa iisang pagkilos. Kung ang ating gawain ay walang ganitong uri ng pakikipagsalamuha, maaari itong maging isa pang salik ng pagkakabaha-bahagi.
Ang Nakatagong Pag-asam na Maging isang Kilalang Tao sa Gawain ng Panginoon
Mayroon ding nakatagong pag-asam na maging isang kilalang tao sa gawain ng Panginoon. Hindi natin maitatanggi na ang “gofer” na ito ng ambisyon ay nasa kalagitnaan natin. Kung ikaw ay maambisyon at may kapasidad, maaaring neutralisahin ng iyong kapasidad ang iyong ambisyon, at maaaring walang maging suliranin. Ang suliranin sa kalagitnaan natin ngayon ay yaong maraming kapatid na lalaki ang may ambisyon ngunit walang kapasidad. Ang ambisyon at ang kawalan ng kapasidad ay isang tunay na suliranin.
Kung ang lahat ng maambisyong kapatid ay may kapasidad, maaaring lulunin ng kanilang kapasidad ang kapangitan ng kanilang ambisyon. Ngunit kung sila ay may ambisyon nang walang kapasidad para sa kanilang ambisyon, ang kanilang ambisyon kasama ang kanilang kawalan ng kapasidad ay nagsasanhi sa kanilang mawala. Kung nais mong maging isang kilalang tao at mayroon kang kapasidad, maaari kang maging gayong tao. Kung ang lahat ng ekklesia ay natutulungan mo at ang lahat ng ekklesia ay nakikinig sa iyo, maaari kang maging isang kilalang tao. Ngunit kung wala kang kapasidad at nais mong maging kilala, dito papasok ang suliranin.
Makikita natin ang pagkakaiba sa kapasidad kina Bernabe at Pablo sa Mga Gawa. Ginamit ng Panginoon si Bernabe upang dalhin tungo sa ministeryo si Saulo, na siyang naging si Pablo (9:26-27; 11:22-26). Higit pa rito, sa Mga Gawa 13 ay unang binanggit ang pangalan ni Bernabe nang ang listahan ng mga propeta at guro sa Antioquia ay itinala at nang ibinukod ng Espiritu si Bernabe at Saulo para sa gawain. Hindi nagtagal pagkatapos nilang lumabas, ang bagay ng kapasidad ay lumitaw. Sa simula ng paglalakbay, si Bernabe ang palaging unang binabanggit (bb. 2, 7); pagkatapos ay nagsimulang mabanggit nang una ang pangalan ni Pablo (bb. 9, 13, 16, 46, 50). Unang binanggit ang pangalan ni Pablo sapagkat ang kanyang kapasidad na tugunan ang pangangailangan noong panahong iyon ay higit kaysa kay Bernabe, at sa kalaunan ay naging nangungunang tagapagsalita siya (14:12). Nagsimulang manguna si Pablo sa kanilang paglalakbay sapagkat siya ay higit na may kapasidad. Si Bernabe ay hindi nagtataglay ng kapasidad na taglay ni Pablo. Sa kalaunan, sumulat si Pablo ng labing-apat na Liham. Sino ang makapagsasalita nang kasindami, kasinlalim, o kasintaas na gaya ng pagsasalita ni Pablo? Sa lahat ng manunulat ng Bagong Tipan, si Pablo lamang ang gumamit ng salitang Katawan ni Kristo. Hindi ginamit ng ibang manunulat ang salitang ito ni ang salitang ekonomiya, sapagkat wala silang gayong higit na kapasidad na gaya ni Pablo.
Noong sina Pablo at Bernabe ay bumalik mula sa kanilang biyahe sa Antioquia, isang malaking suliranin ang lumitaw hinggil sa pagtutuli, at ipinadala sila ng ekklesia sa Antioquia sa Herusalem upang makipagsalamuha nang sa gayon ay malutas ang suliranin (Mga Gawa 15:1-3). Pagkatapos malutas ang suliranin ng pagtutuli at sila ay makabalik sa Antioquia mula sa Herusalem, ninais nilang magkaroon ng isa pang paglalakbay (b. 36). Sa pagkakataong ito ay ninais ni Bernabe na isama ang kanyang pinsan, si Juan Marcos (b. 37; Col. 4:10), sa paglalakbay. Ngunit hindi pumayag si Pablo na isama si Marcos, sapagkat iniwan ni Marcos sina Bernabe at Pablo sa isang negatibong paraan sa kanilang unang ministeryong paglalakbay (Mga Gawa 13:13 at talababa). Ang naisin ni Bernabe na sumama si Marcos sa kanila ay ayon lamang sa kanyang sariling damdamin. Bilang resulta, naghiwalay sina Bernabe at Pablo (15:39). Mula sa puntong iyon, bagama’t si Bernabe ay maaaring lumabas upang dumalaw sa mga ekklesia, ang kanyang ministeryo ay tapos na kung ang pag-uusapan ay ang banal na tala sa Mga Gawa.
Ayon sa aking pagkaunawa, ang suliranin sa pagitan nina Pablo at Bernabe ay pangunahing binubuo ng dalawang punto. Una, maaaring si Bernabe ay may nakatagong kalungkutan sa loob niya, sapagkat siya ang nanguna sa simula at nang maglaon ay nagsimulang manguna si Pablo yamang si Bernabe ay may mas maliit na kapasidad. Hindi madaling mapanaigan ang bagay na ito. Kung naging masaya si Bernabe sa pagbabagong ito, iyon ay naging malaking awa sana kay Bernabe. Ikalawa, ayon sa tala sa Mga Gawa 15, hindi nagpanatili ng isang wastong prinsipyo si Bernabe sa kagustuhan niyang isama si Juan Marcos. Tila ginawa niya ito dahil lamang sa kanyang personal na damdamin para sa kanyang pinsan. Nilabag nito ang espiritwal na prinsipyo. Dapat ay nagpasakop si Bernabe sa paraan ni Pablo na huwag isama si Juan Marcos upang hayaan si Marcos na matutuhan ang leksiyon. Sa halip na magpasakop kay Pablo, tinahak ni Bernabe ang kanyang sariling daan, at nagresulta ito sa paghihiwalay niya at ni Pablo. May mas malaking kapasidad si Pablo kaysa kay Bernabe, at dahil dito, sa kalaunan ay siya ang nanguna sa ministeryo.
Sa loob ng mahigit dalawampu’t limang taon sa bansang ito, kailanman ay hindi ko sinabi sa mga tao na ako ay isang apostol. Ngunit nitong mga nakalipas na taon, nagsimulang magsalita nang husto ang mga kapatid tungkol sa mga apostol at sinabi na hindi lamang iisa, bagkus ay maraming apostol sa kalagitnaan natin. Ito ay isang kahihiyan! Sa isang pagpupulong ng ekklesia sa Anaheim noong Agosto 28, 1988, ang isa sa labing-anim na punto hinggil sa katayuan ng ekklesia sa Anaheim, ang isang punto na inihain ng isang kapatid, ay yaong maraming apostol sa kalagitnaan natin ngayon, hindi lamang isa. Sinabi niya na magbibigay siya ng listahan ng mga apostol na ito sa sinumang banal na interesado. Isang kapatid ang nanghingi at nakatanggap ng gayong listahan mula sa kapatid na iyon. May pitong pangalan sa listahan, na may tandang pananong sa tabi ng isa sa mga pangalan, at hindi kasama rito ang pangalan ng kapatid na nagbigay ng listahan.
Hindi katagalan pagkatapos kong makatanggap ng balita hinggil sa listahang ito, nagpunta ako sa Taipei, at nagbigay ako ng mensahe roon hinggil sa tatlong magkakaibang uri ng mga apostol. (tingnan ang A Timely Trumpeting and the Present Need, ch. 2). Ang pitong kapatid na lalaki na nasa listahang iyon ay nasa ilalim lahat ng aking ministeryo. Ayon sa katotohanan hinggil sa mga uri ng mga apostol, gagawin sila nitong maging mga apostol gaya nina Timoteo, Tito, at Silas, na naibunga ng mga tuwirang itinalagang apostol ng Panginoon. Pagkatapos na mailathala ang mensaheng ito, isa pang salita ang lumabas na nagsasabing walang mga apostol ngayon. Katulad ito ng itinuro ni John Nelson Darby. Kalaunan, isa na namang salita ang lumabas na nagsasabing mayroon lamang labindalawang apostol—ang labing-isa, na pinili ng Panginoong Hesus, at si Pablo. May nagsabi na ang pagpili kay Matias sa pamamagitan ng palabunutan sa Mga Gawa 1 ay mali. Ngunit ayon sa Biblia, nang si Pedro ay tumayo sa araw ng Pentecostes (2:14), tumayo siyang kasama ang labing-isa, na kabilang si Matias.
Ang ganitong uri ng pagsasalita ay batay sa anumang magiging kapaki-pakinabang sa tagapagsalita at walang pamantayan ng katotohanan. Ito ay isang pangunahing suliranin.
Ang Kapabayaan hinggil sa Pag-iingat ng Isang Puso’t Kaisipan sa Pagbabawi ng Panginoon
Isa pang malaking mapagbaha-bahaging salik sa nakaraan ay ang kapabayaan hinggil sa pag-iingat ng isang puso’t kaisipan sa pagbabawi ng Panginoon. Sa pagsasanay para sa mga matanda noong Pebrero 1986, ang aking kabigatan ay ang hilingin sa mga matanda na pangalagaan ang isang puso’t kaisipan sa pagbabawi ng Panginoon. Mahigit apatnaraang kapatid na lalaki ang pumirma sa isang liham na isinulat sa akin, tinitiyak sa akin na pagsisikapan nilang ingatan ang isang puso’t kaisipan (tingnan ang Elder’s Training, Book 8: The Life Pulse of the Lord’s Present Move, ch. 10). Ngunit sa nagdaang tatlong taon ng rebelyon, kinondena ng ilang kapatid na lalaki ang liham na iyon at sinabi pa na ang isang bahagi ng liham na iyon ay heretikal. Dalawa sa kanila ang sumulat upang sabihin sa akin na tatanggalin nila ang kanilang mga pirma sa sulat na iyon. Ipinakikita nito na, alinman sa dalawa, hindi sila malinaw tungkol sa tunay na kahulugan ng isang puso’t kaisipan o kinamumuhian nila ito.
Ang binanggit sa itaas na mga salik ng pagkakabaha-bahagi na nakatago sa nakaraan ay isang matibay na patunay na nagkaroon ng kapabayaan hinggil sa pag-iingat ng isang puso’t kaisipan sa pagbabawi ng Panginoon. Ang kasalukuyang kaguluhan sa kalagitnaan natin ay hindi isang bagay ng tama o mali kundi isang kinalabasan at isang ganap na pagpapakita ng kapabayaang ito. Umunlad ang pagpapakitang ito hanggang sa puntong sinabihan ng ilan sa mga mapagrebelde ang mga tao na tiyak na lalaban sila hanggang sa maibagsak nila ako. Matibay na ipinakikita nito na hindi nila pinahahalagahan ang isang puso’t kaisipan. Ito ay tiyak na isang nakatagong salik ng pagkakabaha-bahagi.
Ang kasalukuyang kaguluhan sa gitna natin ay hindi umunlad sa loob lamang ng isang araw. Naiipon ang yelo sa isang ilog sa loob ng isang panahon bago maging ilang talampakan ang kapal nito. Sa parehong paraan, sa ating sitwasyon ay nagkaroon ng ilang pag-iipon ng mga hindi kasiya-siyang bagay sa loob ng ilang taon. Sa simula ay wala akong pagkatanto hinggil sa anumang pagsalungat o pagpuna, dahil abala ako sa Taipei. Ngunit nang bumalik ako noong Disyembre 1987 at ang mga kapatid na lalaki ay dumating upang gumawa ng mga tiyak na kahilingan ayon sa kanilang plano, nagsimula kong matanto na mayroong isang bagay na lubhang mali. Ang kanilang plano sa katunayan ay kanilang pagsasabwatan.
Sa prinsipyo, ang kaguluhan at mga suliranin sa kalagitnaan ng bayan ng Panginoon ay nanggagaling sa dalawang pinagmumulan—isang pantaong pinagmumulan at isang makasatanas na pinagmumulan. Matapos obserbahan at isaalang-alang ang sitwasyon sa kalagitnaan natin sa loob ng nagdaang tatlong taon, naniniwala ako na ang kaguluhang ito ay pinasimulan ni Satanas, ang masamang isa, ang kaaway (Mat. 13:19, 28). Ito ay isang bagay na mula sa kinasasaklawan ng kadiliman upang sirain ang ministeryo at isara ang pinto para sa bagong daan. Kinamumuhian ni Satanas ang ministeryo, at kinamumuhian din niya ang bagong daan. Ang ministeryo kalakip ang bagong daan ay ang malaking pangharang sa kaaway sa kanyang masamang plano, kaya kumilos nang malakas si Satanas at ang masasamang espiritu upang gumawa ng isang bagay. Bilang resulta, ang ilan sa mga kapatid na lalaki ay nabihag at nagamit ng masasamang espiritu upang gumawa ng mga bagay na lubos na hindi lohikal, hindi makatwiran, at hindi makatao. Sinabi nila sa mga tao na ako ay matanda na, na wala na akong kakayahang pagpasyahan ang mga bagay nang malinaw. Ito ay isang kasinungalingan. Malinaw na ipinakikita ng lahat ng gayong bagay na ang kaguluhang ito ay mula sa diyablo.
Gayunman, sa kabila ng kaguluhan, sa pamamagitan ng awa at biyaya ng Panginoon, karamihan sa mga ekklesia sa buong mundo ay nagpapatuloy pa rin nang positibo. Ang mga ulat tungkol sa kanilang kasalukuyang sitwasyon, na ibinigay ng kanilang mga matanda na naroon sa pagpupulong ng mga matanda, ay tunay na nakapagpapalakas-loob.