Ang Kaisahan ng Katawan ni Kristo
Ang Diyos ay iisa (1 Cor. 8:4; Isa. 45:5). Ang Diyos ay iisa sa Kanyang esensya, Kanyang layunin, Kanyang ekonomiya at Kanyang mga gawa. Ang Katawan ni Kristo, bilang produkto ng sentrong gawain ng Diyos-ang kamatayan at pagkabuhay na muli ni Kristo-ay iisa rin (Efe. 2:15-17; 1 Cor. 10:16-17). Bilang Kanyang kahayagan, ang Katawan ni Kristo ay dapat na iisa. Ang praktikal na kaisahang ito ng Katawan ni Kristo ay isa sa mga pinakamahalagang katotohanan na nabawi sa pamamagitan ng Brethren at napatibay sa ministeryo nina Watchman Nee at Witness Lee.
Ang prinsipyo ng kaisahan ay makikita sa paraan kung paano nakitungo ang Diyos sa Kanyang bayan. Sa Lumang Tipan, nagtalaga ang Diyos ng isang natatanging sentro ng pagsamba para sa Kanyang bayan. Sa Deuteronomio, paulit-ulit na inatasan ng Diyos ang mga anak ni Israel na huwag sumamba sa anumang dako, kundi sa dako lamang kung saan Niya ilalagay ang Kanyang pangalan (bb. 12:5-7; 14:22-23; 15:20; 16: 2, 5-7, 15-16). Pinanatili ng natatanging batayang ito ang kaisahan ng Kanyang bayan.
Sa Bagong Tipan, ang kaisahan ay unang binanggit ng Panginoon Mismo sa Juan 10:16, kung saan sinabi Niya, “At mayroon Akong ibang tupa na hindi sa kulungang ito; sila ay kailangan din namang dalhin Ko, at kanilang diringgin ang Aking tinig, at magkakaroon ng isang kawan, isang Pastol.” Ang isang kawan ay sumasagisag sa isang ekklesia, ang iisang Katawan ni Kristo (Talababa 1, Salin sa Pagbabawi).
Ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang mithiin para sa kaisahan sa Juan 17, na Kanyang panalangin bago Siya nagtungo sa krus. Sa Juan 17:21, ang Panginoon ay nanalangin, “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya Mo, Ama, na nasa loob Ko at Ako ay nasa loob Mo, na sila naman ay mapasaloob Natin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na Ako ay isinugo Mo.” Hindi lamang ipinakikita ng kapitulong ito ang naisin ng Panginoon, naglalahad din ito ng higit pang pahayag: ang kaisahan ng mga mananampalataya ay ganap na naihalo sa Tres-unong Diyos. Ang kaisahan ng ekklesia ay payak na ang napalaking kaisahan ng Dibinong Trinidad. Ang Ama ay nasa loob ng Anak, ang Anak ay nasa loob ng Ama, tayo ay nasa loob Niya, at Siya ay nasa loob natin.
Pagkatapos ng gayong panalangin, isinakatuparan ng Panginoon ang kaisahang ito sa krus, kung saan Niya pinawalang-bisa ang kautusan ng mga utos sa mga ordinansa at nilalang ang isang bagong tao (Efe. 2:15). Sa Kanyang pagkabuhay na muli, Siya ay naging ang Espiritu at Kanyang inihinga ang Espiritu ng kaisahan tungo sa mga mananampalataya (Juan 20:22). Nagsimula nating maranasan ang kaisahang ito nang tayo ay mabautismuhan tungo sa Tres-unong Diyos (Mat. 28:19). Gayunman, ang katotohanang ito ay naiaaplay sa pamamagitan ng ating pagiging nasa Espiritu (Efe. 4:3). Iniingatan tayo nito sa loob ng kaisahan.
Ang mga Pagpapalang Dala ng Kaisahan at Isang Puso’t Kaisipan
Isa ang Awit 133 sa apat na mga pangunahing kapitulo sa Biblia tungkol sa bagay ng kaisahan. Nagsisimula ang Awit sa, “Narito, napakabuti at napakaligaya / kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa! (b. 1)” Sa gayong kalagayan ng kaisahan, ang langis ay tumutulo mula sa ulo (b. 2), isinasagisag ang timplada, nagpapahid na Espiritu na dumadaloy mula sa Ulo patungo sa Katawan; at naroon ang presensiya ng hamog (b. 3), isinasagisag ang sariwa at nagpapanariwang biyaya ng Diyos. Sa huli, sa gayong kaisahan, iniutos ni Jehovah ang pagpapala ng buhay magpakailanman. Sinasanhi ng gayong pamumuhay sa kaisahan na ang Diyos ay magpala ng nagpapahid na Espiritu, nagdidilig na biyaya, at buhay na walang hanggan (Awit 133:3, Talababa 1, Salin sa Pagbabawi). Napakahalaga ng kaisahang ito!
Ang isang puso’t kaisipan ay ang kaisahan sa pagsasagawa. Sa aklat ng mga Gawa, masusulyapan natin ang pagpapala kapag ang mga mananampalataya ay nasa isang puso’t kaisipan. Sa kapitulo 1, nanalangin nang may isang puso’t kaisipan ang sandaan at dalampu sa loob ng sampung araw sa silid sa itaas (b. 14). Humantong ito sa pagbubuhos ng Espiritu (2:4), at sa mga Gawa 2:41, tatlong libo ang naligtas sa isang araw. Tinawag ni Kapatid Witness Lee ang isang puso’t kaisipan na ito na mahalagang pangyayari na naghihiwalay sa mga Ebanghelyo at sa mga Gawa. Tunay nga, ang isang puso’t kaisipan ang susing magbubukas ng lahat ng pinto ng pagpapala sa Bagong Tipan.
“Kailangan ninyong makita kung ano ang mahalagang pangyayari patungkol sa sandaan at dalawampu sa aklat ng mga Gawa. Ang mahalagang pangyayaring naghihiwalay sa mga Ebanghelyo at mga Gawa ay hindi ang bautismo sa Espiritu Santo. Ang mahalagang pangyayari ay ang isang puso’t kaisipan ng sandaan at dalawampu.. Kung nais ninyong maranasan ang bautismo sa Espiritu, dapat ay mayroon kayong isang puso’t kaisipan. Kung ang lahat ng sangkap ng isang ekklesia-lokal ay may isang puso’t kaisipan, ang bautismo sa Espiritu ay doroon. Kung talagang nais ninyong isagawa ang wastong paraan sa pagpapahayag ng ebanghelyo, kailangan ninyo ang isang puso’t kaisipan.Kung wala ang susing ito, walang pintong mabubuksan. Ang isang puso’t kaisipan ang ‘susing magbubukas ng lahat ng silid,’ ang susing magbubukas ng lahat ng pinto ng pagpapala sa Bagong Tipan.” ”
(Salin mula sa Elders’ Training, Book 07: One Accord for the Lord’s Move, Ch. 1, idinagdag ang diin)
Hindi lamang nagdadala ng mga pagpapala ang kaisahan at isang puso’t kaisipan. Kinakailangan ang kaisahan para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo. Isinasagisag ito ng apatnapu’t walong tabla sa tabernakulo. Ang mga nakatayong tabla ay kinailangang balutan ng ginto, pagdugtungin ng mga gintong argolya, at pagsamahin ng mga gintong barakilan. Sa pamamagitan ng ganitong pagdurugtong at pagsasama, naitayo ang tabernakulo bilang pinananahanang lugar ng Diyos. Sa gayong kalagayan ng kaisahan, naitatayo ang Katawan ni Kristo. Sinabi ni Kapatid Lee:
“Kung walang kaisahan sa gitna ng mga mananampalataya kay Kristo, paano magkakaroon ng anumang tirahan, anumang pinananahanang lugar, para sa Diyos sa lupa ngayon? Ang kaisahan, na siyang pagtatayo, sa katunayan ay ang ekklesiang naitayo sa isang praktikal na paraan. Maraming Kristiyano ang nagsasalita tungkol sa ekklesia, subalit sa kanila, ang salitang ekklesia ay isang hungkag na salita. Para maging isang realidad sa praktikal na paraan ang pinananahanang lugar ng Diyos, dapat ay magkaroon ng naitayong kaisahan. Ang kaisahan sa gitna ng mga mananampalataya ay ang pagtatayo sa mga mananampalataya upang maging isang tirahan.”
(Salin mula sa Truth Messages, Ch. 10)
Iniingatan ang Kaisahan
Hindi lamang inilalahad ng Juan 17 ang mithiin ng Panginoon na maging isa ang mga mananampalataya. Ipinakikita rin ng kapitulong ito na tayo ay pinapaging-isa sa pangalan ng Ama sa pamamagitan ng buhay na walang hanggan (bb. 6-13), sa pamamagitan ng pagpapabanal ng salita (bb. 14-21), at sa dibinong kaluwalhatian (bb. 22-24). Sa mga salik na ito, binigyang-diin ni Kapatid Lee ang pagpapabanal ng katotohanan sa pag-aalis ng mga salik ng pagkakabaha-bahagi. Sinabi niya:
“Ang pagpapabanal sa pamamagitan ng salita ng katotohanan ay nagreresulta sa kaisahan. Ang nagpapabanal na salita, ang nagpapabanal na Espiritu, ang nagpapabanal na buhay, at ang nagpapabanal na Diyos ay iisang lahat. Kaya nga, kung tayo ay pinababanal, tayo ay hindi magiging anupaman kundi iisa. Kusang-kusa tayong nagiging iisa dahil ang lahat ng salik ng pagkakabaha-bahagi ay inaalis.”
(Salin mula sa Truth Messages, Ch. 5)
Binigyang-diin ni Apostol Pablo ang bagay ng kaisahan sa kanyang mga liham. Sa Efeso 4:3, sinasabihan ni Pablo ang mga mananampalataya na “pagsumakitang ingatan ang pagkakaisa sa Espiritu.” Isinasaad ng bersikulo 2, “Nang buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, mangagbatahan kayo sa isa’t isa sa loob ng pag-ibig.” Dito, ang kapakumbabaan ay ang manatili sa isang mababang katayuan, ang kaamuan ay ang hindi paglaban para sa sarili, at ang pagpapahinuhod ay ang batahin ang masamang pagtrato (Talababa 1). Ang mga kagalingang ito ay hindi matatagpuan sa ating sarili, kundi sa pagkatao ni Hesus. Tunay nga, ang ingatan ang kaisahan ay imposible sa ating sarili, subalit ito ay posible kapag tayo ay nasa Espiritu, kapag ang Persona ng Panginoon ay nagiging ating persona.
Batid din ni Kapatid Watchman Nee ang hirap ng pagiging isa. Gayunpaman, nagbibigay rin siya ng solusyon: ang krus. Sinabi ni Kapatid Nee:
“Malibang makapangyarihang makagawa ang krus, magkakaroon ng walang katapusang posibilidad ng hidwaan kung pagsasama-samahin natin sa isang ekklesia ang lahat ng mananampalataya sa lokalidad kalakip ang lahat ng kanilang iba’t ibang pananaw. Gustong-gusto ng laman na isama lamang yaong mga may kapareho nating pananaw, at di-isama ang lahat ng naiiba ang pananaw mula sa atin. Ang pagkakaroon ng palagian at malapit na pakikisama sa mga tao na ang interpretasyon sa Kasulatan ay hindi kapareho ng sa atin ay mahirap para sa laman, subalit mabuti para sa espiritu. Hindi ginagamit ng Diyos ang pagkakabaha-bahagi upang lutasin ang suliranin; ginagamit Niya ang krus. Nais Niyang magpasakop tayo sa krus, nang sa gayon sa pamamagitan ng mismong kahirapan ng mga sitwasyon, ang kaamuan at pagtitiis at pag-ibig ni Kristo ay malalim na maisagawa tungo sa ating buhay. Sa ilalim ng mga pangyayari, kung hindi natin nalalaman ang krus, malamang na tayo ay makikipagtalo, magagalit, at sa huli ay tatahakin natin ang ating sariling daan. Maaaring may tama tayong mga pananaw, subalit binibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na magpakita ng tamang saloobin; maaaring maniwala tayo nang tama, subalit sinusubukan tayo ng Diyos upang makita kung umiibig ba tayo nang tama. Madaling magkaroon ng isang kaisipang punô ng pagtuturong ayon sa Kasulatan, at isang pusong walang tunay na pag-ibig. Yaong mga naiiba sa atin ay magiging pamamaraan sa kamay ng Diyos upang subukin kung mayroon ba tayong espiritwal na karanasan, o kaalamang ayon sa Kasulatan lamang, upang subukin kung ang mga katotohanang ipinahahayag natin ay isang bagay ng buhay sa atin, o teorya lamang.”
(Salin mula sa The Normal Christian Church Life, Ch. 5)
Ang kaisahan ay isang pagsubok kung hahayaan ba nating makagawa sa atin ang Panginoon at ang krus, nang sa gayon ay mahayag Siya sa pamamagitan natin. Nawa ay gawin ng Panginoon na naisin nating kunin ang krus para sa kaisahan at pagtatayo ng Katawan ni Kristo.
Sa Juan 17:23 ay sinasabi ng Panginoong Hesus, “Ako ay nasa loob nila, at Ikaw ay nasa loob Ko, upang sila ay mapasakdal at maging isa, upang makilala ng sanlibutan na Ako ay isinugo Mo at sila ay Iyong inibig, gaya ng Iyong pagkaibig sa Akin.” Kapag tayo ay napasakdal na maging isa, ang ating kaisahan ay nagiging isang malakas na patotoo sa sanlibutan. Nawa ay maligtas tayong lahat mula sa anumang pagkakabaha-bahagi at maingatan natin ang kaisahang ito!