Panimula

Download

“Ngunit ikaw, salitain mo ang mga bagay na umaangkop sa malusog na pagtuturo.” (Tito 2:1 )

Malugod ka naming tinatanggap sa website ng Healthy Teaching ang pariralang malusog na pagtuturo ay batay sa mga sinulat ni Pablo sa pagtatapos ng kanyang ministeryo, isang panahon nang ang mga ekklesia ay nasa kalakaran ng pagkababa, at maraming ekklesia ang tumalikod sa kanya. Nang panahong iyon, ang dibinong Salita, at sa partikular, ang malusog na pagtuturo, ang panlunas ni Pablo upang tuusin ang pagtalikod sa katotohanan at kaguluhan sa ekklesia.

Ang malusog na pagtuturo ay ang nilalaman ng Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos. Dalawang elemento ang ipinahihiwatig ng malusog. Sa positibong panig, mayroong nagpapakaing elemento (1 Tim. 4:6), na naghahain ng buhay at punô ng espiritwal na panustos. Sa negatibong panig, mayroong isang elementong pumapatay ng mikrobyo, na gumagawa laban sa mga espiritwal na suliranin at sakit. Ang ating kabigatan sa ating mga sinulat sa websitena ito ay ang ilahad ang isang gayong salita, na kapwa nagpapakain at nagbabakuna para sa espiritwal na kalusugan ng mga banal at mga ekklesia.

Ginamit ni Pablo ang salitang malusog upang ilarawan ang salita nang anim na beses sa mga Liham kina Timoteo at Tito (1 Tim. 1:10; 6:3; 2 Tim. 1:13; 4:3; Tito 1:9; 2:1). Sa mga liham na ito, binabanggit din ni Pablo ang ilang aytem na laban sa malusog na salita. Kabilang dito ang mga kathang-isip at walang katapusang talaangkanan (1 Tim. 1:4), walang kabuluhang usapan (b. 6), at tsismis (4:7). Sa 1 Timoteo 6:4-5, binabanggit ni Pablo ang “mga pagtatanong at mga pakikipagtalo tungkol sa mga salita, na pinagmumulan ng inggit, tunggalian, paninirang-puri, masasamang hinala, mga walang katapusang bangayan ng mga taong masasama ang kaisipan at salat sa katotohanan, nag-aakala na ang pagkamakadiyos ay paraan ng kapakinabangan.”

Ang mga salitang ito ay higit at higit pang may kaugnayan sa mga ekklesia sa Pilipinas nitong kamakailang taon, yamang ang mga kathang-isip, mga pagtatanong, mga pagtatalo, at maging mga paninirang-puri at masasamang hinala ay lumitaw sa gitna natin. Umaasa kami na sa pamamagitan ng ating mga sinulat batay sa Salita at ministeryo, maliligtas tayong lahat mula sa mga kathang-isip na ito at mababawi sa malusog na pagtuturo ng ekonomiya ng Diyos. Nilalayon din naming ilahad at linawin ang mga punto ng katotohanan at pagsasagawa, nang sa gayon ay maligtas tayo mula sa mga pangangatwiran, at ang ating kaisipan ay mabihag tungo sa pagsunod kay Kristo (2 Cor. 10:5).

Panghuli, nananalangin tayo na ang mga banal ay hindi mapanghinaan ng loob sa mga pagsubok ng kasalukuyang panahon. Nariyan ang mga kaguluhan sa buong kasaysayan ng ekklesia, maging noong panahon ni Pablo. Ang kaguluhan sa Gawa 21 ay nauwi sa pagkabilanggo ni Pablo at pagtatapos ng kanyang ministeryo ng paglalakbay. Gayunpaman, sa panahon ng kanyang pagkabilanggo, tumaas, lumalim, at yumaman ang kanyang ministeryo ng pagsulat; at ang mga liham na sinulat niya mula sa bilangguan ay naging isang dakilang pagpapala sa lahat ng ekklesia sa loob ng mga siglo. (The Satanic Chaos in the Old Creation and the Divine Economy for the New Creation, Chapter 2)

Yamang hindi tayo sumasang-ayon sa panunulsol at gawa ng kaaway, nagdadala rin ang mga kaguluhan ng pagpapadalisay para sa pagtatayo. Huwag tayong panghinaan ng loob. Sa halip, pagsumakitan nating panatilihin ang kaisahan at tanganan ang malusog na pagtuturo para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo.

“Ang lahat ng kaguluhang ito ay para sa pagtatayo ng ekklesia.” (The Experience and Growth in Life, Chapter 27)