Kamakailan, mayroong isang pagtuturong lumalaganap sa kalagitnaan ng mga banal at mga ekklesia na ginagamit nang mali at minamasama ang bagay ng awtoridad at mga kinatawang awtoridad. Itinataguyod ng ilang mga manggagawa ang isang estrukturang herarkiya ng awtoridad kung saan ang Diyos ang awtoridad, ang mga kamanggagawa ang kinatawang awtoridad sa ilalim ng Diyos, ang mga matanda ng mga ekklesia ang mga itinalagang awtoridad sa ilalim ng mga kamanggagawa, at ang mga banal sa mga ekklesia ay napasasailalim sa mga matanda. Ito bang pagtuturo ng herarkiyang pamumuno ay isang malusog na pagtuturo o isang hangin ng pagtuturo?
Upang sagutin itong katanungan, kailangan nating suriin ang pang-Bibliang konsepto ng pamumuno sa bayan ng Diyos at ang paraan kung saan ginagamit ang gayong pamumuno sa ekklesia. Kailangan nating basahin kapwa ang Biblia at ang ministeryo ng ating mga kapatid na sina Watchman Nee at Witness Lee nang maingat, masinsinan, at walang kinikilingan. Kailangan nating maging dalisay at isantabi ang ating kapalaluan at ambisyon. Sa gayon lamang natin maipaliliwanag nang matuwid ang salita ng katotohanan (2 Tim. 2:15).
Ang Awtoridad ay sa Diyos sa loob ni Kristo bilang Buhay
Ipinahahayag ng Kasulatan na ang Diyos ang pinakamataas na awtoridad, at siyang mayroon ng lahat ng awtoridad sa sansinukob (Roma 9:21-22). Sa Kanyang pagkabuhay na muli at pag-akyat sa langit, natanggap ng Panginoong Hesus ang lahat ng awtoridad mula sa Diyos. Sinasabi ng Mateo 28:18, “At lumapit si Hesus at nagsalita sa kanila, na nagsasabi, Lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa Akin.” Samakatwid, walang duda na sa buong sansinukob, tanging ang Panginoong Hesus ang mayroon ng lahat ng awtoridad. Ang ating bukod-tanging Pinuno ay ang Panginoong Hesu-Kristo (Gawa 5:31). Sinabi sa atin ni Kapatid Lee na ang sinumang nagtuturing sa kanya na pinuno sa pagbabawi ng Panginoon ay hindi nagsasagawa ng katotohanan. Sino ang pinuno? Dapat nating sabihing, “Si Kristo!” Walang sinuman ang dapat magkontrol sa gawain para sa Panginoon o sa iba.
Ang ating Panginoong Hesu-Kristo ay ang Ulo ng Katawan, ang ekklesia (Efe. 1:22b-23; Col. 1:18, 24). Dahil ang ekklesia ay ang Katawan ni Kristo, ang lahat ng bagay na kaugnay sa ekklesia, kabilang na ang administrasyon nito at ang paggamit ng awtoridad, ay dapat maging organiko, yaon ay, sa buhay at sa loob ng buhay. Nangangahulugan ito na ang awtoridad na ginagamit ng sinuman sa ekklesia ay hindi angkin ng taong iyon bilang resulta ng paghawak ng anumang uri ng posisyon. Sa halip, ang awtoridad ay naihahayag sa pamamagitan ng isang tao na sa kanilang sarili ay wasto sa Ulo at nasa loob ng daloy ng Espiritu. Ang gayong tao lamang ang maaaring makapaghayag at kumatawan sa awtoridad ng Diyos. Bakit? Sapagkat kapag dumaloy ang buhay mula sa gayong tao, ang buhay na iyon ay ang Diyos sa loob ni Kristo, na siyang nagtataglay ng lahat ng awtoridad.
Naaninag din ang bukod-tanging pagkaulo ni Kristo sa ugnayan sa pagitan ng ekklesia, ng ministeryo at ng gawain. Dapat na suportahan ng mga ekklesia ang ministeryo at ang gawain, ngunit dapat tayong maging malinaw na ang ekklesia ang siyang Katawan ng Panginoon. Siya ang Ulo ng lahat ng bagay sa ekklesia (Efe. 1:22b-23). Samakatwid, kapwa ang ministeryo at ang gawain ay para sa ekklesia, ang Katawan. Bukod dito, gumagawa ang ekklesia, ang ministeryo, at ang gawain ayon sa prinsipyo ng Katawan, na kinabibilangan kapwa ng direktang pananagutan kay Kristo, ang Ulo, at ang pagkamarami sa gitna ng mga yaong nagsasagawa ng pamumuno. Hinggil sa kaugnayan ng ministeryo at ng gawain sa ekklesia, tinuruan tayo ni Kapatid Lee:
“Ang ministeryo, ang gawain, ay may malaking kinalaman sa mga ekklesia at sandaang porsiyento para sa mga ekklesia, ngunit hindi ito mula sa ekklesia. Hindi ito napasasailalim sa kontrol o direksiyon ng ekklesia ngunit direktang napasasailalim sa kontrol ng Ulo, ang Panginoong Hesus. Ang prinsipyo ay pareho sa mga ekklesia. Ang lahat ng ekklesia ay may malaking kinalaman sa ministeryo at sa mga apostol, ngunit hindi sila nasa ilalim ng kamay o kontrol ng mga apostol; sila ay direktang nasa ilalim ng pagkaulo ng Panginoong Hesus. Hindi kinokontrol ng ministeryo ang mga ekklesia-lokal, at hindi kinokontrol ng mga ekklesia ang ministeryo. Kapwa ang ekklesia at ang ministeryo ay direktang nasa ilalim ng kontrol ng Ulo.” (Salin mula sa Basic Principles for the Service in the Church Lif, Ch. 4)
Sapagkat si Kristo ang Ulo ng Katawan, anumang gawain o ministeryo ay dapat maging para sa benepisyo ng Katawan sa kabuuan. Nilalabag ng pagbuo ng isang pribadong gawain ang prinsipyong ito, na nagreresulta sa pagkawala ng pagkaulo ni Kristo, na ipinaliwanag ni Kapatid Nee sa The Normal Christian Church Life:
“Kinikilalang katotohanan na si Kristo ang Ulo ng Ekklesia, ngunit ang katotohanang iyon ay kailangang bigyang-diin kaugnay sa ministeryo gayundin sa buhay ng Ekklesia. Ang pang-Kristiyanong ministeryo ay ang ministeryo ng buong Ekklesia, hindi lamang ng isang bahagi nito. Dapat nating tiyakin na walang ibang batayan ang ating gawain maliban sa Katawan ni Kristo. Kung hindi, mawawala sa atin ang pagkaulo ni Kristo.” (Ch. 2)
Isang seryosong bagay ang lampasan ang pagkaulo ni Kristo. Pinawawalang-bisa nito ang halaga ng isang gawain o ng ministeryo sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo at inililigaw ang bayan ng Panginoon.
Ang Pagtuturo ng mga Apostol Bilang ang Saligang-Batas ng Ekklesia
Ang isa pang napakahalagang prinsipyo hinggil sa pamumuno sa ekklesia ay yaong ang pagtuturo ng mga apostol, na siyang buong pagsasalita ng Diyos sa Bagong Tipan, ay ang saligang-batas ng ekklesia. Yamang ang kautusan ay ang nakasulat na saligang-batas ng bayan ng Diyos sa Lumang Tipan, ang pagtuturo ng mga apostol naman ay ang kautusan para sa administrasyon ng Diyos sa Kanyang bayan sa Bagong Tipan. Sa isang maayos na bansa, ang saligang-batas nito ay mas mataas kaysa sa mga sangay na tagapagpatupad ng batas, tagagawa ng batas, at tagapaglapat ng katarungan. Sa parehong paraan, ang pagtuturo ng mga apostol, bilang ang saligang-batas ng Bagong Tipang kaharian ng Diyos, ay mas mataas kaysa sa sinumang manggagawa o matanda. Sa kadahilanang ito, sinabi ni Pablo sa kanyang nakababatang kamanggagawang si Tito na ang isang matanda ay dapat maging isang tao na “nananangan sa tapat na salita na ayon sa pagtuturo ng mga apostol, upang mahikayat niya sa pamamagitan ng malusog na pagtuturo, at mapaamin sa sariling kasalanan ang mga nagsisisalansang” (Tito 1:9).
Ang pamumuno sa Bagong Tipang ministeryo ay nasa Bagong Tipang pagtuturo na higit kaysa sa mga nangunguna sa Bagong Tipang ministeryo. Sa ganitong kadahilanan sinabi sa atin ni Kapatid Lee, “Ang pamumuno na ipinakita sa Bagong Tipan ay pangunahing nasa mga pagtuturo ng mga nagmiministeryo, hindi sa mga gawa ng mga kamanggagawa” (Salin mula sa Leadership in the New Testament, Ch. 2). Kung si Pedro o si Pablo ay tumalikod sa kanilang pagtuturo, hindi sana sila sinundan ng mga banal. Sinundan ng mga ekklesia ang pagtuturo ng mga apostol, at sinundan nila ang mga apostol sapagkat ang Bagong Tipang pagtuturo ay nasa mga apostol. Kung may anumang problema sa ekklesia sa ilalim ng administrasyon ng mga matanda, gaya ng kinakailangan nating pag-aralan ang kautusan sa Lumang Tipan, kailangan din nating pag-aralan ang pagtuturo ng mga apostol, ang ating Bagong Tipang saligang-batas.
“…Hindi dapat natin sabihin na tayo ay para kay o laban sa ilang bagay hangga’t hindi pa natin nakikita kung ano ang sinasabi ng Bagong Tipang saligang-batas. Anumang problema ang dumating, dapat tayong matuto na maging tahimik at lumapit sa nakasulat na Salita ng Diyos, ang Bagong Tipang saligang-batas, nang walang anumang opinyon…” (Ch. 3)
Hindi natin dapat kilalanin na mga pinuno ang sinumang salungat ang pagtuturo o hindi sinasaklaw ang kabuuang pagtuturo ng mga apostol. Sa ibang salita, dapat nating makilatis kung tumutugma sa Bagong Tipang pahayag ang mga salita ng yaong mga nagsasabing sila ay mga pinuno.
Kung walang nakasulat na solusyon sa Bagong Tipan, na walang pagsalungat sa Bagong Tipan, dapat nating hanapin ang kaisipan ng ating Ulo. Ang panahon at paraan ng pagsasagawa ng nakasulat na saligang-batas ay nangangailangan pa rin ng kagyat na pangunguna ng Panginoon, na nagmumula sa direktang pagsasalamuha sa Panginoon kasabay ng pagsasalamuha sa ibang mga sangkap ng Katawan. Gayunpaman, dapat tayong maging malinaw na ang pagtuturo ng mga apostol at ang kagyat na pangunguna ng Panginoon ay hindi magiging magkasalungat, bagkus pupunuan ang isa’t isa.
Ang Pagkakaroon ng Diyos ng mga Kinatawang Awtoridad
Bagaman ang Diyos ang pinakamataas na awtoridad, nilayon na Niya na ang Kanyang awtoridad ay maitalaga at maikatawan dito sa lupa. Sinasabi ng Genesis 1:26,
“At sinabi ng Diyos, Lalangin Natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa.” (may idinagdag na pagbibigay-diin)
Ang pagbibigay ng Diyos sa tao ng kapamahalaan sa lupa ay nagtakda ng isang prinsipyo na ninanais Niya na ang Kanyang awtoridad ay maisagawa sa pamamagitan ng yaong mga naghahayag sa Kanya. Sa buong kasaysayan, ginamit ng Diyos ang mga tao sa Lumang Tipan upang maging kinatawan ng Kanyang awtoridad sa lupa. Kabilang sa mga ito si Noe (9:1-6), Jose (41:40-44), Moises (Exo. 3:10-18a; 4:16; 7:1), at David (1 Sam. 16:12-13). Sa Bagong Tipan, ibinigay ng Ama sa Panginoong Hesus ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa (Mat. 28:18). Sa Kanyang pag-akyat sa langit, isinugo ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo bilang mga apostol upang maging Kanyang mga embahador (2 Cor. 5:20; Efe. 6:20; 2 Cor. 10:8; 13:10) at sa pamamagitan nila ay nagtalaga ng mga matanda bilang mga tagapangasiwa sa mga ekklesia upang maging kinatawan Niya (Gawa 14:23; Tito 1:5; Gawa 20:17, 28; 1 Ped. 5:5).
Ikinakatawan Lamang ng mga Tao ang Awtoridad, Hindi Nag-aangkin ng Awtoridad
Bagama’t ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus ang Kanyang awtoridad sa mga tao, ang isang bagay na dapat maging malinaw ay yaong ang tao ay kinatawan lamang ng awtoridad ng Diyos. Ang pagtatalaga ng Diyos ng Kanyang awtoridad sa mga tao ay hindi ang pagsuko ng Kanyang awtoridad sa iba. Ito ay gaya ng isang embahador na ikinakatawan ang pinuno ng kanyang bansa sa isang banyagang lupain. Ang kanyang awtoridad ay itinalaga lamang at mapawawalang-bisa kapag siya ay pinabalik na sa kanyang bansa. Pinananatiling matatag ng Mateo 28:18 ang katotohanan na tanging ang Panginoong Hesus lamang ang nagtataglay ng lahat ng awtoridad. Kung nasa Panginoon ang lahat, walang anumang pag-aari ang mga tao. Gaya ng sinabi ni Kapatid Watchman Nee,
“Walang likas na taglay na awtoridad ang isang tao, at walang sinuman ang maaaring magtalaga ng kanyang sarili na maging isang awtoridad. Ang ating pansariling mga opinyon ay hindi maaaring maging kautusan sa iba at ang ating mga ideya, mga pananaw, at mga mungkahi ay hindi karapat-dapat sa pagpapahalaga ng iba. Ang nagpapaging-dapat sa isang tao upang maging kinatawan ng Diyos ay ang kanyang kaalaman sa Diyos. Nagiging awtoridad ang isang tao dahil sa kanyang kaalaman sa kalooban ng Diyos, sa iniisip ng Diyos, at sa kaisipan ng Diyos. Hindi nagkakaroon ng awtoridad ang isang tao batay sa kanyang sariling mga ideya o sa kanyang mga opinyon, kundi sa pamamagitan ng pagkaunawa sa kalooban at naisin ng Diyos. Hindi maaaring asahan ng isang tao ang iba na magpasakop sa kanyang sariling kalooban o opinyon. Ang hangganan kung saan maaaring maging kinatawan ng awtoridad ang isang tao ay nakadepende sa antas ng kanyang kaalaman sa kalooban at kaisipan ng Diyos.”
(Awtoridad at Pagpapasakop, Kap. 12)
Ang Mga Batayan ng Espiritwal na Awtoridad
Kung gayon, paano magkakaroon ng awtoridad ang isang tao? Sino ang dapat nating kilalanin bilang mga tao ng awtoridad? Sa aklat na Awtoridad at Pagpapasakop, ibinahagi ni Kapatid Watchman Nee ang dalawang batayan ng espiritwal na awtoridad: pahayag at pagkabuhay na muli.
Ang pahayag ay tumutukoy sa direktang karanasan ng pagkakilala sa Diyos at sa Kanyang walang hanggang plano na inihayag sa Biblia. Ang espiritwal na awtoridad ay nakabatay sa pagtanggap ng isang tao ng pahayag mula sa salita ng Diyos. Ikinatawan ni Moises ang Diyos kay Faraon matapos magpakita ang Diyos sa kanya sa nagliliyab na matinik na mababang punongkahoy (Exo. 3:2, 6, 10). Nagmula ang awtoridad ni Moises sa pahayag ni Jehovah sa Bundok Horeb. Sa Bagong Tipan, ang batayan ng awtoridad ng mga apostol ay ang kanilang pagtuturo, na ayon sa pahayag ng ekonomiya ng Diyos (Roma 16:25; Gal. 1:11-12, 15-16; Efe. 3:3). Nagmumula ang awtoridad sa salita ng Diyos! Samakatwid, sa loob ng ekklesia, nagkakaroon lamang ng awtoridad ang isang tao hangga’t ang kanyang pagtuturo ay tumutugma sa pagtuturo ng mga apostol hinggil sa Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos. (Gawa 2:42; 1 Tim. 1:3-4; Tito 1:9).
Ang pagkabuhay na muli ay isa pang napakahalagang batayan ng awtoridad. Sa Genesis 1:26, ang larawan at wangis, na may kaugnayan sa paghahayag sa Diyos, ay nauuna sa kapamahalaan. Inilalarawan ng prinsipyong ito na nagmula ang awtoridad sa paghahayag ng dibinong buhay. Ang salaysay tungkol sa umusbong na tungkod ni Aaron sa Mga Bilang 17 ay isang mahusay na paglalarawan sa pagkabuhay na muli bilang batayan ng awtoridad. Nang ang mga anak ni Korah ay nagrebelde at hinamon ang pamumuno nina Moises at Aaron, sinabi ng Diyos kay Moises na kumuha ng isang tungkod (na sumisimbolo sa awtoridad), sa bawat isa sa labindalawang lipi at ilagay ito sa harapan ng Kaban sa tabernakulo (Blg. 17:1-5). Sa sumunod na araw, nakita ni Moises ang tungkod ni Aaron na umusbong, namukadkad at namunga ng mga hinog na almendras, na sumasagisag sa pagkabuhay na muli. Ang lahat ng labindalawang putol ng sanga ng kahoy ay mga patay na putol ng sanga ng kahoy. Gayunpaman, lumabas ang buhay sa tungkod ni Aaron. Ito ang pagkabuhay na muli.
Sa Awtoridad at Pagpapasakop, , pinaalalahanan ni Watchman Nee ang mga kamanggagawa na hindi sila nagmamay-ari ng anumang kapangyarihan sa kanilang sarili. Sinabi niya, “Ang isang tuyong tungkod ay walang anumang maitatanghal maliban sa kamatayan. Ngunit kung kayo ay may pagkabuhay na muli, mayroon kayong awtoridad, dahil ang awtoridad ay nakasalalay sa pagkabuhay na muli, hindi sa natural na buhay. Ang lahat ng mayroon tayo ay natural. Kaya ang awtoridad ay hindi nakasalalay sa atin kundi sa Panginoon” (166-167). Sinabi ng Panginoon Mismo na Siya ang pagkabuhay na muli (Juan 11:25). Ang pagkabuhay na muli ay isang Persona. Samakatwid, nagmumula ang awtoridad ng isang tao sa paghipo sa persona ng Panginoong Hesus, na siyang pagkabuhay na muli. Ang wastong pamumuno at paggamit ng espiritwal na awtoridad ay laging nasa kinasasaklawan ng pagkabuhay na muli.
Ang Paghahayag sa Awtoridad
Paano naihahayag ang espiritwal na awtoridad? Sinasabi ng Biblia na yaong mga may espiritwal na awtoridad ay hindi namamanginoon sa bayan ng Diyos (1 Ped. 5:3a; Mat. 20:25-26a). Sa halip, sila ay mga tularan ng kawan sa kanilang pamumuhay sa Panginoon at sa pagsunod nila sa Kanyang tularan ay makapaglilingkod sa Kanyang bayan bilang mga alipin. Sinasabi sa Marcos 10:42-45 na:
“Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring pinuno ng mga Hentil ay nangagpapanginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay nagsisigamit ng awtoridad sa kanila. Datapuwa’t sa inyo ay hindi gayon, kundi ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo, at ang sinuman sa inyo na may ibig manguna ay magiging alipin ng lahat. Sapagka’t maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang Kanyang buhay para maging pantubos sa marami.”
Batay sa siping ito, sa isang seksiyon na may pamagat na, Ang Isang Awtoridad ay Hindi Nangingibabaw o Nagkokontrol, kundi Nagpapakumbaba upang Maglingkod “sinabi ni Kapatid Nee sa kanyang mga kamanggagawa na:
“Hindi dapat magkaroon ng anumang pagpupunyagi para sa pagkamataas at pagkamakapangyarihan sa gitna ng mga anak ng Diyos. Hindi dapat magkaroon ng anumang kaisipan ng pagpupumilit para sa kapangyarihan o anumang intensiyon ng pagkokontrol sa iba. Kung mayroon man, mahuhulog tayo sa parehong kalagayan tulad ng sa mga Hentil. Wala nang higit pang sasagwa kaysa sa isang tao na nagpupumilit na maging isang awtoridad. Isang kasuklam-suklam na bagay para sa isang tao na sikaping kontrolin ang iba sa isang panlabas na paraan. Ang ambisyon para sa awtoridad o maging dakila ay isang bagay na nabibilang sa mga Hentil. Dapat nating paalisin ang ganitong uri ng espiritu sa ekklesia.” (Awtoridad at Pagpapasakop, Kap. 18)
Ang natural, pantaong konsepto ng isang pinuno ay isang tao na mas mataas kaysa iba. Subalit, salungat ang ipinahayag sa atin ng Biblia na makikita sa Mateo 20 at 23. Ang mga pinuno ay hindi mga taong mas mataas kaysa sa iba, kundi mas mababa. Ang mga pinuno ay mga alipin. Sa Biblia, ang pamumuno ay nangangahulugang pagkaalipin. Dapat magkusa ang isang pinuno na maglinis ng banyo, magwalis ng sahig, mag-ayos ng upuan, at maglingkod bilang isang tagahatid.
Ang kaisipan ng mga kamanggagawa o mga matanda sa paggamit ng awtoridad sa ekklesia ay makamundo at makaorganisasyon. Limampung taon na ang nakalilipas sinabi sa amin ni Kapatid Lee, “Isang malubhang pagkakamali ang gumamit ng awtoridad sa ibabaw ng iba sa loob ng ekklesia. Wala nang higit pang kahiya-hiyang bagay kaysa rito. Ang gumamit ng awtoridad sa ibabaw ng mga banal ay hindi maluwalhati—ito ay nakakahiya. (Salin mula sa Life-study of Ezekiel, p. 119). Mula sa tanda ng Bagong Herusalem bilang ang kasukdulan ng gawain ng Diyos, nagbigay ng komento si Kapatid Lee sa paggamit ng mga matanda ng awtoridad sa ekklesia:
“Hindi dapat gamitin ng mga matanda ang kanilang pagkamatanda sa pamamagitan ng paggamit ng awtoridad. Ang pagkamatanda, yaon ay, ang pagkakinatawan sa pagkaulo, ay dapat isagawa sa pamamagitan ng daloy ng buhay. Bagaman ang trono ay ang trono ng awtoridad, ang trono ng pagkaulo, mula sa tronong ito ay dumadaloy ang ilog ng tubig ng buhay. Kapag tiningnan mo ang trono, makikita mo ang awtoridad at pagkaulo. Ngunit kapag tumingin ka sa ilog, makikita mo ang tubig ng buhay at ang puno ng buhay. Ipinahihiwatig nito na ang wastong pagkamatanda ay hindi ang paggamit ng awtoridad sa ibabaw ng iba; ito ang pagdaloy ng buhay tungo sa loob nila. Tayo ay naghahari, ngunit hindi tayo naghahari sa pamamagitan ng awtoridad; naghahari tayo sa pamamagitan ng pagdaloy ng panloob na buhay.” (Pag-aaral Pambuhay ng Apocalipsis, Kap. 66)
Dapat nating tandaan ang mga positibong tularan ng ating Panginoong Hesus at ng Kanyang mga apostol at ang negatibong halimbawa ni Saul. Sa Juan 12:13 ang Panginoon ay sinalubong ng malaking kalipunan na nagsasabing Siya ang “Hari ng Israel.” Subalit, hindi iyon ang iniatas sa Panginoon. Sa kasunod na kapitulo, kinuha Niya ang katayuan ng isang alipin, hinuhugasan ang mga paa ng Kanyang mga disipulo (13:1-11). Nang nagtalo ang Kanyang mga disipulo kung sino sa kanila ang tila pinakadakila, sinabi Niya sa kanila na “hayaan ang lalong dakila sa inyo na maging gaya ng nakababata, at ang namumuno ay maging gaya ng naglilingkod” (Luc. 22:26). Sa gayunding paraan, sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, “Hindi sa kami ay may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo sa inyong kagalakan” (2 Cor. 1:24). Sinabi niya sa mga taga-Filipos na siya ay nagagalak na “ibuhos bilang isang handog na inumin sa hain at makasaserdoteng paglilingkod ng inyong pananampalataya” (Fil. 2:17). Si Saul, sa kabilang banda, ay nagnais na maitayo ang sarili nitong monarkiya sa bayan ng Diyos, sa kaharian ng Diyos. Dahil sa kanyang palalong pagsuway, inalis sa kanya ang pagkahari at ibinigay kay David, isang tao na ayon sa puso ng Diyos (1 Sam. 13:13-14). Nakakita na tayo ng mga kapatid na kada panahon ay nagtangkang magtayo ng mga pansariling kaharian sa loob ng mga ekklesia, na nagsisigawa sa pamamagitan ng pakikipagpaligsahan at naghahangad na bumuo ng mga pribadong teritoryo o mga tagasunod para sa kanilang sariling gawain. Sa katagalan, kagaya ni Saul, hindi kailanman pahihintulutan ng Diyos ang gayong bagay, na tiyak na nagdudulot ng katiwalian sa mga taong nagsasagawa nito (Fil. 2:3; Sant. 3:14-16).
Nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa mga kaloob na inilagay Niya sa Katawan. Ngunit bawat mananampalataya sa Katawan ay isang sangkap lamang. Kung gayon, dapat nating iwaksi ang anumang konsepto ng ranggo gaya ng isinasagawa sa mundo. Hindi dapat tingnan ng isang kamanggagawa ang kanyang sarili na mas mataas kaysa sa mga matanda. Hindi dapat tingnan ng isang matanda ang kanyang sarili na mas mataas sa iba, ni tingnan ng isang diyakono ang kanyang sarili na mas mababa sa mga matanda. Ang bawat isa ay may pangsyon sa Katawan at ginagampanan ang kanilang tungkulin sa paraan ng pagsasalamuha at hindi ng herarkiya.
Ang Pagiging Di-Permanente ng Pamumuno
Ipinakikita sa atin sa Bagong Tipan na ang pamumuno sa ekklesia ay hindi isang bagay ng pagkakaroon ng permanenteng posisyon. Itinuturo ng Simbahang Romano Katoliko na si Pedro ang itinalaga ni Kristo na maging ang bukod-tanging pinuno ng buong ekklesia. Ito ay dahil nauna ang kanyang pangalan sa mga Ebanghelyo at Mga Gawa. Ngunit sinasabi ng Galacia 2:9, “Santiago at Cefas (Pedro) at Juan…na mga inaaring haligi”. Sinaway pa nga ni Pablo si Pedro sa harap ng lahat sa Galacia 2:4 nang makita niyang si Pedro ay hindi lumalakad nang matuwid ayon sa katotohanan ng ebanghelyo. Sa panahong iyon, ang espiritwal na kapasidad ni Pedro ay sadyang mas mababa kaysa kay Santiago. Ito ang dahilan kung bakit unang nabanggit si Santiago. Sa katunayan, dahil kasama “ni Santiago” ang mga kapatid, si Santiago ang kinatawan ng ekklesia sa Herusalem sa panahong iyon. Nakita rin ito sa Gawa 21:17 at 18, “…kami nina Pablo ay pumaroon kay Santiago, at ang lahat ng mga matanda ay nangaroon.” Si Pablo at ang kanyang kapwa kamanggagawa ay pumaroon kay Santiago at hindi kay Pedro. Sa katapus-tapusan, sa Gawa 15, sa isang kumperensiya ng mga apostol at mga matanda, si Pedro ang unang nagsalita at kasunod niya si Pablo. Ang nangungunang isa ay hindi nagsasalita sa umpisa kundi sa huli. Si Santiago, na kinatawan ng ekklesia sa Herusalem, ang huling nagsalita.
Mula rito nalaman natin na ang pamumuno sa mga anak ng Diyos ay hindi opisyal, permanente o pang-organisasyon. Nakadepende ito sa espiritwal na kapasidad. Siya na may pinakamalaking kapasidad ay ang pinuno. At ang kapasidad na iyon ay maaaring nasa isang tiyak na kapatid ngayon, ngunit sa ibang pagkakataon ay magiging nasa iba na. Sa araw ng Pentecostes, si Pedro ang may pinakamalaking kapasidad; subalit sa Gawa 15, na kay Sabtiago na ito. Sa katunayan, hinuhubog ng paglago sa buhay ang pamumuno at isang resulta ng pangangailangan. Kung walang pangangailangan, walang pamumuno na kailangang makita. Kahanga-hanga ito para sa Diyos na magtalaga rin sa ganitong paraan upang maisantabi ang pantaong konsepto ng pamumuno.
Isang Halimbawa Kung Paano Isinagawa ni Pablo ang Katotohanan Hinggil sa Pamumuno
Sinasabi ng 1 Corinto 16:12, “Ngunit tungkol sa kapatid nating si Apolos, ipinamanhik ko sa kanya na agad siyang pumariyan sa inyo kasama ng mga kapatid; at sa anumang paraan ay hindi pa niya kalooban na pumariyan ngayon…” Dito si Pablo ay hindi nag-atas kundi namanhik lamang kay Apolos, sapagkat alam niya na hindi siya ang tunay na pinuno. Bagama’t namanhik si Pablo kay Apolos, mayroon pa ring kalayaan si Apolos, at hindi gumamit ng anumang pagkontrol si Pablo sa gawain ng Panginoon.
Hindi kailanman inako ni Kapatid Lee na siya ang pinuno sa pagbabawi ng Panginoon. Hindi siya kailanman nagbigay ng utos alinman sa mga ekklesia o sa mga banal hinggil sa kung ano ang dapat nilang gawin. Sa kabaligtaran, maraming beses na pinakiusapan siya ng mga matanda sa iba’t ibang ekklesia na sabihin niya kung ano ang dapat nilang gawin, subalit palagi niyang sinasabi sa kanila na dumulog sa Panginoon sa panalangin at hayaan Siyang gabayan sila.
“…Walang organisadong pamumuno sa pagbabawi ng Panginoon. Nang nilisan namin noong matagal na ang mga denominasyon, pangunahin naming nilisan ang herarkiya, ang organisasyon….Mayroon lamang isang Ulo, hindi maraming pangalawang ulo. May isang Ulo na direktang nagbibigay ng mga utos sa lahat ng sangkap, hindi sa pamamagitan ng mga pangalawang ulo…” (Salin mula sa Leadership in the New Testament, Ch. 1)
Ayon sa kasaysayan ng ekklesia, nakalulungkot na noong magsimulang lumihis ang mga tao sa salita ng Diyos, nagsimulang pumasok ang herarkiya, at ilan ang umako ng pamumuno. Dahil sa napakarami ang nasa kadiliman at hindi isinagawa ang katotohanan, ito ay hinayaan. Nawa’y mapasailalim tayong lahat sa pagniningning ng liwanag upang makita ang katotohanan hinggil sa pamumuno.
Pagkamarami sa Pamumuno
Isa pang mahalagang aytem patungkol sa pamumuno ay ang pagkamarami nito. Sa Bagong Tipan, noong simula ay may labindalawang apostol, at maraming matanda. Ipinakikita ng pagkamarami na walang permanenteng pamumuno sa ekklesia. Gayunpaman, bagaman marami, may isang natatanging pamumuno yamang iisa lamang ang ministeryo (Gawa 1:17, 25). At yamang may isang Diyos, isang Panginoon, isang Espiritu (Efe. 4:4-6), paanong magkakaroon ng higit pa sa isang pamumuno? Nagkakabaha-bahagi ang Kristiyanidad ngayon sapagkat napakarami ng pamumuno.
Ang Lahat ay Nagpapasakop sa Isa’t isa sa loob ng Kapakumbabaan
Matapos makita ang katotohanan hinggil sa pamumuno, tingnan naman natin ngayon ang iba pang aspekto nito. “Magsitalima kayo sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo sa kanila, sapagka’t pawang nangagpupuyat sila dahil sa inyong mga kaluluwa, bilang yaong mga magbibigay-sulit, upang ito ay gawin nilang may kagalakan, at hindi ng may hapis, sapagka’t ito ay magiging di-kapaki-pakinabang sa inyo.” (Heb. 13:17). Sa isang banda, hindi dapat gumamit ng awtoridad ang mga matanda sa atin. Sa kabilang banda, bilang yaong mga mas matanda at mas may karanasan, sila ang nangunguna at kailangan natin silang sundan. Ang tumalima rito ay nangangahulugang sumunod. Bagama’t sinabi ni Pedro na hindi dapat mamanginoon ang mga matanda sa kawan ng Diyos kundi maging mga tularan ng kawan (1 Ped. 5:3), hiniling din niya sa mga kabataan na magpasakop sa mga matanda (b. 5).
Mayroon ding ilang pagkakataon na kailangang magpasakop ang mas matanda sa mga mas bata. Sinabi ni Pedro, “At kayong lahat ay magbigkis ng kapakumbabaan sa pakikitungo sa isa’t isa” (b. 5b). Kung gayon, dapat matuto ang lahat na magpasakop sa isa’t isa sa kapakumbabaan. Ito ay isang magandang kaayusan, isa na ibang-iba sa natisod at natural na pagsasagawa.
Ang Pamumuno sa Aktuwalidad
Ang pamumuno sa mga ekklesia-lokal ay hindi sa isang taong kumokontrol. Hindi rin ito pamposisyon sa kalikasan. Walang herarkiya ng mga pinuno sa pagbabawi ng Panginoon o sa mga ekklesia. Kung gayon, sino ang nagkokontrol sa atin sa mga ekklesia? Ang pahayag ang dapat na magkontrol. Sa partikular, ang pahayag na ito ay ang itinuro ng mga apostol. Ito ang Bagong Tipang ekonomiya ng Diyos na namamahagi ng Diyos sa Kanyang bayan upang magkaroon ng Katawan ni Kristo para sa Kanyang kahayagan upang mapasukdol sa Kanyang kumpletong walang hanggang kahayagan sa Bagong Herusalem (Gawa 2:42, 1 Tim. 1:3-4). Paano nagkokontrol ang pahayag na ito? Ito ay sa pamamagitan ng yaong mga nagdadala ng pahayag, ang mga nagmiministeryo. Nagkokontrol ang pahayag, at nagkokontrol ito sa pamamagitan ng mga taong nagdadala ng pahayag. Ganito ang pamumuno sa Bagong Tipang ministeryo. Noong Marso 24, 1997, sinabi ni Kapatid Lee na ipinakita ng Panginoon sa kanya na naghanda Siya ng maraming kapatid na lalaki na maglilingkod bilang mga kapwa aliping kasama niya sa paraan ng paghahalo. Nadama niya na ito ang napapanahong paraan upang maisakatuparan ang ministeryo ng pagtatayo ng Katawan ni Kristo at magpapasukdol sa Bagong Herusalem. Ito ang tunay na pamumuno sa pagbabawi ng Panginoon ngayon.