Ang Wastong Pagtugon Ng Mga Mananampalataya Kapag Nahaharap Sa Kaguluhan Sa Buhay-Ekklesia

Download

Nagpapasalamat tayo sa Panginoon para sa Kanyang mga kahabagan na tayo ay maaaring mapasapagbabawi Niya ngayon. Ang pagbabawi ng Panginoon ay ang sentrong gawain ng Diyos upang itayo ang ekklesia bilang Kanyang Katawan para sa pagbubunga ng bagong tao at paghahanda ng kasintahang-babae upang mapabilis ang Kanyang pagbabalik. Sapagkat hinihipo nito ang kalaliman ng puso ng Diyos, kinamumuhian ito ng kaaway sa sukdulan at gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang sirain at wasakin ito. Sa buong kasaysayan natin, dumaan tayo sa maraming kaguluhan. Nagresulta ang mga ito sa labis na pagkasira at kawalan, ngunit kasabay nito ay napadalisay ang Kanyang pagbabawi habang pinalalakas ang ating pananampalataya sa Panginoon at sa pagtahak sa daang ito. Sa bagay na ito, tumutugma ang ating kasaysayan sa kasaysaysan ng bayan ng Diyos kapwa sa mga Luma at Bagong Tipan (Salin mula sa Elder’s Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way (2), Ch. 1).

Kapag nahaharap sa pana-panahong kaguluhan, pagkasalanta, at makasatanas na ligalig sa buhay-ekklesia, ano ang dapat nating maging saloobin? Sa Mga Gawa 20:29-30, sinabihan ni Pablo ang mga matanda sa ekklesia sa Efeso na mahaharap sila sa pagsalungat mula sa labas at di-pagkakasundo mula sa loob. Higit pa rito, sa kanyang mga liham kay Timoteo, paunang sinabi na ni Pablo ang pagbaba sa ekklesia at ang pagsalungat na lilitaw (1 Tim. 4:1; 2 Tim. 3:1; 4:3). Inatasan niya si Timoteo –at ang pag-aatas na ito ay tungo rin sa atin — na makipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya (1 Tim. 6:12). Dapat tayong handang makipaglaban para sa pananampalataya (Jud. 3; 1 Pet. 3:15) at labanan ang iba’t ibang pagtuturo na salungat sa ekonomiya ng Diyos na nasa pananampalataya (1 Tim. 1:3-4).

Tunay nga, kailangan nating makipagbaka; subalit ano ang wastong paraan ng pakikipagbaka? Kailangan nating tumugon, ngunit ano ang wastong pagtugon? Sinasabi ng 2 Timoteo 2:5 na ang nakikipaglaban ay dapat makipaglaban nang matuwid, at sa 1 Corinto 9:25, sinasabihan tayo ni Pablo na mag-ensayo ng pagpipigil sa sarili sa pakikipaglaban. Maaaring masumpungan natin ang ating sarili na may isang malakas at matuwid na pagnanais na ipagtanggol ang pagbabawi ng Panginoon at labanan ang yaong mga sumasalungat, ngunit dapat muna nating matutuhang pigilan ang ating sarili at maingat na magbigay-pansin sa kung anong uri ng tagapagbaka tayo. Dito ay maglalahad tayo ng ilang prinsipyo at mga wastong paraan upang tuusin ang mga bagyo sa buhay-ekkesia.

Pakikipagbaka sa Espiritwal na Digmaan

Ang pagtutuos sa pagsalungat o di-pagkakasundo ay kinabibilangan ng espiritwal na pakikidigma. Sa mga panahong ito, may isang malaking pangangailangan para sa mga yaong nais makipagbaka para sa katotohanan. Dapat nating matanto na hinahayaan ng Panginoon ang mga panahon ng kaguluhan upang matutuhan nating makipagtulungan sa Kanya sa pakikidigmang ito. Ang makipagbaka sa espiritwal na digmaan ay isang paghahanda upang maging bahagi ng nananaig na hukbo ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik (Apoc. 17:14; 19:14).

Ayon sa Efeso 6, ang espiritwal na pakikidigma ay isang bagay ng Katawan. Sa kadahilanang ito, dapat nating iwasang maihiwalay sa isa’t isa at sa Katawan sa kabuuan. Higit pa rito, ipinakikita sa atin ng Efeso 6 na upang makipagbaka sa pakikidigmang ito, kailangan nating magpakalakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng Kanyang kalakasan at madulutan ng kinakailangan sa pakikipagbaka sa pamamagitan ng pagsusuot ng buong kutamaya ng Diyos (b. 10-11, 13). Makahulugan na halos lahat ng aytem ng kutamayang binanggit sa Efeso 6 ay pandepensa. Nangangahulugan ito na dapat muna nating pangalagaang maprotektahan ang ating sarili mula sa mga pag-atake ni Satanas. Dapat nating bigkisan ang ating baywang ng katotohanan, na hindi lamang doktrina bagkus ang realidad ng Diyos kay Kristo sa ating pang-araw-araw na pamumuhay (b. 14a). Kailangan nating isuot ang baluti ng katuwiran upang takpan ang ating budhi mula sa mga akusasyon ni Satanas sa pamamagitan ng pagtitiwala sa dugo ni Kristo at pagtutuos sa anumang pagsasalangsang tungo sa Diyos o tao (b. 14b). Kailangan nating kunin ang ebanghelyo ng kapayapaan, na siyang kapayapaang ginawa ni Kristo sa pagitan ng lahat ng tao sa pamamagitan ng krus, bilang ang ating matibay na pundasyon para sa ating pagtayo (bb. 15; 2:25-17). Pagkatapos ay makukuha natin ang kalasag ng pananampalataya upang pawiin ang lahat ng nagliliyab na suligi — ang mga akusasyon, mga pagtatanong, mga kasinungalingan, mga pasaring, atbpa. — ng masamang isa (6:16), gayundin ang helmet ng kaligtasan upang protektahan ang ating mga pag-iisip laban sa mga banta at kabalisahan na lumulusob sa atin (b. 17a).

Kung lubusan tayong nasangkapan, magagamit natin nang mabisa ang tabak ng Espiritu upang paslangin ang kaaway ng Diyos (bb. 17b-18). Ang tabak na ito, na siyang salita ng Diyos, ay ang tanging sandatang opensiba sa kutamaya ng Diyos, at ginagamit natin ito sa pamamagitan ng pananalangin. Ang pinakamainam na paraan upang makipagbaka ay ang manalangin. Ang ating pakikipagbuno ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno at mga awtoridad at espiritwal na puwersa ng kasamaan sa sangkalangitan (Efe. 6:12). Kaya, ang ating mga ay dapat maging espiritwal din. Kailangan natin ang tabak ng Espiritu, na ang Espiritu ay ang salita ng Diyos, at ginagamit natin ito sa pamamagitan ng panalangin at daing (Efe. 6:17-18). Kapag nananalangin tayo ng malalakas na panalangin batay sa Salita ng Diyos, tayo ay nakatatayo laban sa diyablo at nakapamiminsala pa ng isang nandudurog na dagok sa kanya. Maaaring isipin natin na dapat pabagsakin ang mga sumasalungat, subalit ang tunay nakaaway ay si Satanas na nananahan sa loob ng laman ng tao at na siyang nagpasok ng kanyang sarili sa isip ng tao upang magsalita at gawin ang mga bagay na sisira sa ekklesia. Natatanto mo bang si Satanas ay nananahan sa ating laman? (Roma 7:17-18, 20, 23). Sa realidad, ang mga kaguluhan sa ekklesia ay hindi tao ang nagsulsol kundi si Satanas. Hindi natin siya magagapi gamit ang ating makalamang pagpupunyagi; ang tanging paraan ay ang manalangin ng mga nakikipagbakang panalangin. Sa gitna ng isang kaguluhan, maging mapagbantay tayo sa panalangin (Mat. 26:41; Luc. 18:1; 1 Tes. 5:17), hindi lamang pinapansin ang laman o ang iba, bagkus ang ating sariling laman din.

Hindi Palaaway

Sinasabi ng 1 TImoteo 2:8, “Ibig ko ngang ang mga lalaki ay manalangin sa bawat lugar na nagtataas ng mga banal na kamay na walang poot at pangangatwiran. “Hindi maisasagawa ang panalangin kasabay ng poot at pangangatwiran, sapagkat pinapatay ng mga ito ang ating panalangin. Kung makikita natin ang tunay na espiritwal na pakikidigma, matatanto nating walang anumang nalulutas ang panlabas na paglalaban. Ang paglaban para sa pananampalataya ay hindi nangangahulugang maging palaaway tayo. Ang maging palaaway ay ang magdebate at makipaglaban at makipagtalo at mangatwiran, na nagreresulta sa inggit, tunggalian, mga paninirang-puri, at masasamang hinala (1 Cor. 11:16; 1 Tim. 6:4; 2 Tim. 2:14, 23). Sinasabi sa atin ng Tito 3:9 na iwasan ang mga mangmang na pagtatanong at mga talaangkanan at mga tunggalian at mga pagtatalo tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay hindi kapaki-pakinabang at walang kabuluhan.

Sa gitna ng isang bagyo, maaaring may mga malakas na opinyon ang isang tao tungkol sa kung ano ang tama at mali, at maaaring nais niyang magsalita at makipagtalo sa iba.Madaling magsalita nang negatibo ukol sa iba; maaaring ginagawa natin ito nang di-tuwiran. Ngayon, ang social media ay isang makapangyarihang kasangkapan upang magpalaganap ng isang mensahe at manatiling di-nakikilala. Maaaring magsalita tayo ng isang salitang laban sa isang tao at maaari itong kumalat sa sandaan o sanlibong iba pa sa loob ng isang araw gaya ng isang virus. Sinisira ng gayong pagsasalita ang mga banal. Kahit pa “tama” tayo, ang ating pagsasalita ay hindi magbubunga ng positibong resulta. Kung inaalipusta tayo, hindi dapat tayo gumanti ng pang-aalipusta. (1 Ped. 2:23, 3:9; 1 Tes. 5:15). Nakahahawa ang isang rebeldeng espiritu. Kung mang-aalipusta tayo bilang tugon sa pang-aalipusta ng iba, naiwawala natin ang wastong katayuan sa ating espiritu na makapagbigay ng anumang tulong sa mga banal (Luc. 9:55; Heb. 4:12; 1 Juan 4:1).

Sa halip ng pagiging palaaway, sinasabihan tayo ng Biblia na maging maamo (Tito 3:2; Mat. 5:5; 11:29). Pinaaalalahanan tayo ng 2 Timoteo 2:24-25 na “maging maamo sa lahat…mapagbata sa pagkakamali; sa kaamuan ay itinutuwid ang mga sumasalungat, baka sakaling sila ay pagkalooban ng DIyos ng pagsisisi tungo sa lubos na pagkaalam ng katotohanan.” Si Moises ay isang huwaran ng isang taong maamo at mapagkumbaba (Bil. 12:3). Nang nagsalita sina Aaron at Miriam laban sa kanya sa Mga Bilang 12, hindi nagsalita si Moises o gumawa ng anuman upang ipagtanggol ang kanyang sarili. May karapatan at posisyon siyang pangatwiranan ang kanyang sarili bilang ang taong itinalaga ng Diyos na pangunahan ang Kanyang bayan, ngunit hindi niya ginawa ito. Sa halip, nanalangin si Moises para kay Miriam (b. 13). Sa huli, ang Diyos ang dumating upang ipagtanggol si Moises at ensayuhin ang Kanyang pampamahalaang pagtutuos sa mga yaong sumalungat sa kanya. Sa gayunding paraan, hindi dapat tayo magpahalaga sa pagtatanggol ng ating sarili. Sa halip, magpahalaga tayo sa pagtataguyod ng pangalan, pamahalaan, katuwiran, at kaluwalhatian ng Diyos; at manalangin tayo para sa yaong mga sumasalungat na mapalaya mula sa pambubulag na gawain ng kaaway ng Diyos.

Hindi Pagtatanggol sa Sarili

Ang huwaran ni Moises ay nagdadala sa atin sa isa pang napakahalagang prinsipyo, yaon ay, ang itatwa ang sarili at huwag ipagtanggol ang sarili. Kapag pinagwiwikaan, sinasalungat, at inaatake tayo ng iba, hindi natin dapat ipagtanggol o ipaghiganti ang ating sarili. Sinasabi ng Roma 12:19, “Sapagkat nasusulat, ‘Akin ang paghihiganti. Ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.’” Ang paghihiganti ay sa Diyos (Deut. 32:35; Heb. 10:30).

Responsabilidad ng Diyos na isagawa ang Kanyang katuwiran at pampamahalaang pagtutuos para sa atin; kaya, hindi natin kailangang ipaghiganti ang ating sarili. Ang pagkasaserdote ni Aaron ay napatunayan at naipagtanggol ng Diyos sa pamamagitan ng umuusbong na tungkod (Bil. 7:1-13). Ang pamumuno ni Moises ay ipinagtanggol ng Diyos sa gitna ng pagrerebelde ng mga tao (Bil. 12; 16). Sa buong kasaysayan, ang mga anak ni Israel ay patuloy na ipinagtanggol ng Diyos sa harap ng lahat ng bansang sumalungat sa kanila (Deut. 32:43, footnote 1). Ang Panginoong Hesus Mismo ay walang ginawa upang ipagtanggol ang Kanyang sarili, subalit ang Ama ang gumawa nito sa buong panlupang ministeryo Niya at maging sa Kanyang pagkapako sa krus at pagkabuhay na muli (Mat. 3:16-17; 17:5; Gawa 5:31; Roma 1:3-4; 1 Tim. 3:16). Noong Siya ay nililitis, wala Siyang sinabi upang ipagtanggol ang Kanyang sarili. Tumayo lamang Siya bilang isang tupa sa harap ng mga nag-aakusa sa Kanya (Mat. 26:62; 27:12; Marc. 15:5). Sinundan din ng mga apostol ang huwaran ng Panginoon noong sila ay inalipusta; hindi sila gumanti ng pag-alipusta (1 Ped. 2:23). Ang pagtatanggol at pag-aaring-matuwid ay nagmumula sa Diyos. Hindi natin kailangang ipagtanggol ang ating sarili.

Ang Huwaran ni Watchman Nee

Hindi tayo nawawalan ng huwaran sa kasaysayan ng ekklesia hinggil sa kung paano tuusin ang kaguluhan. Isinagawa ng ating mga kapatid na Nee at Lee ang maghintay sa Panginoon upang hayaan Siyang gumawa at gumamit ng panahon upang ipagtanggol ang Kanyang gawain.

Maging noong mga panahon pa ng 1920, nang sinimulan ni Watchman Nee ang kanyang ministeryo, nakaranas na agad siya ng pagsalungat. Itinakwil siya ng kanyang mga kamanggagawa dahil sa pasya niyang iwan ang mga denominasyon at pagsalungat sa pastoral na pagtatalaga ng isa sa kanila. Sa buong ministeryo niya, siya ay patuloy na di-naintindihan, inirepresenta nang mali, pinulaan, at inatake. Laganap ang masasamang bali-balita tungkol sa kanya. Gayunpaman, hindi niya kailanman ipinagtanggol ang kanyang sarili ni lumaban kaninuman. Ni wala siyang sinabing anuman upang linawin ang mga di-pagkakaintindihan. Tinanggap niya ang lahat ng bagay na ito bilang mga pagtutuos mula sa Panginoon at patuloy na hinanap ang pangunguna ng Panginoon.

Noong mga 1940, lumitaw ang isang kaguluhan sa ekklesia sa Shanghai kung saan di-naunawaan at siniraang-puri si Watchman Nee ng isang nangingibabaw na bilang ng mga kamanggagawa, mga matanda, at mga banal. Gayon pa rin, ang kanyang tugon at saloobin ay ang kunin ang krus, manalangin, at hayaan ang Panginoon na tuusin ang sitwasyon. Bilang resulta, natigil ang ministeryo ni Kapatid Nee ng anim na taon. Sa gitna ng kaguluhang ito, sinabi niya kay Kapatid Lee, “Witness, kailangan nating matutuhang huwag kailanman magsalita ng anuman upang ipagtanggol ang ating sarili. Dapat lamang nating sabihin sa mga tao ang katotohanan.”Sinabi pa nga niya kay Kapatid Chang Yu Lan na nadarama niyang hinding-hindi na niya maipagpapatuloy ang kanyang ministeryo. Hindi mula sa kanyang sarili kundi lubusang sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon na ang kanyang ministeryo sa kalaunan ay napanumbalik noong 1948, at maraming ekklesia ang naibangon sa Tsina sa sumunod na mga taon.

Ang Huwaran ni Kapatid Lee

Nakaranas din si Kapatid Witness Lee ng napakaraming pagsalungat, at sinundan niya ang huwaran ni Kapatid Nee sa pagtuos sa kaguluhan. Noong mga 1950, isang grupo ng mga batang kamanggagawa na naimpluwensiyahan ni Kapatid T. Austin Sparks ang nagsanhi ng isang napakalaking kaguluhan sa mga ekklesia sa Taiwan. Tumagal nang walong taon ang kaguluhang ito at naapektuhan pa ang mga ekklesia sa ibang bansa, kabilang na ang ekklesia sa Manila. Walang ginawa si Kapatid Lee upang ipagtanggol ang kanyang sarili o tuusin ang sitwasyon o ang mga di-sumasang-ayon na mga manggagawa sa isang natural na paraan. Umabot halos na isang dekada ng paghihintay sa harapan ng Panginoon at sa di-maikakailang kamay ng Panginoon upang maglinaw ang sitwasyon.

Sa panahon ng bagyo sa ekklesia sa Manila noong 1961, nag-arkila ng mga armadong guwardiya ang ilang sumasalungat upang pigilan ang mga matanda at mga banal sa pagpasok sa bahay-pulungan. Sa madaling salita, nasipa palabas ang mga umiibig na naghahanap sa Panginoon sa kanilang sariling bahay-pulungan. Dahil sa malalakas na pagkilos ng mga sumasalungat, nagpadala ng mga telegrama ang mga matanda ng ekklesia sa mga kapatid sa Taiwan at Hong Kong na naghahanap ng salamuha. Ang tugon ni Kapatid Lee ay hindi kaagad na makipagpulong sa isang hiwalay na lugar kundi subukang makipag-usap sa mga sumasalungat. Malinaw na ginawa ni Kapatid Lee ang kanyang makakaya na maging mapagtiis at mapagpasensiya sa mga sumasalungat hanggang sa katapusan.

Sa pagtatapos ng dekada ‘80, nagsabwatan ang ilang nangungunang kamanggagawa sa isang pagrerebelde sa pagbabawi ng Panginoon na umabot sa apat na kontinente, kabilang ang ekklesia sa Anaheim kung saan nagpupulong si Kapatid Lee. Ang tugon ni Kapatid Lee ay ang maging tahimik at mapanalanginin, hinahayaan pa nga ang mga sumasalungat na gawin ang lahat ng kanilang makakaya na sirain ang gawa. Ang kanyang saloobin sa lahat ng sitwasyong ito ay laging maging mapanalanginin at maghintay sa Panginoon. Muli’t muli kapag nahaharap sa kaguluhan sa ekklesia, sinasabi niya, “Kung gawain ko ito, dapat itong mawasak; ngunit kung ito ay gawain ng Panginoon, hindi mo ito mawawasak. Lalo mong winawasak ang gawaing ito, lalong mabubuhay na muli ang gawaing ito.”

Sa kanyang salamuha ukol sa paraan ng paglutas sa mga suliranin sa pagbabawi, binigyang-diin ng ating kapatid ang pangangailangan na magkaroon ng isang tunay na malasakit para sa pagbabawi ng Panginoon nang hindi ito hinahaluan ng ating mga pansariling interes:

“Upang malutas ang mga suliranin sa pagbabawi, dapat tayong magkaroon ng isang tunay at sinserong malasakit para sa pagbabawi ng Panginoon,na walang anumang kinikilingang pananaw hinggil sa anumang bagay. Higit pa rito, hindi dapat tayo magkaroon ng anumang elemento ng pansariling interes, pansariling pakana, pagpapahalaga sa sarili, at pagsasaalang-alang sa sarili. Dapat tayong maging walang kinikilingan, patas, at dalisay, na walang anumang pinanggagalingan na makaaapekto sa atin. Dapat nating iwaksi ang ating pagpapahalaga sa sarili at pagsasaalang-alang sa sarili. Tayong lahat ay may sariling dangal, at nais nating pahalagahan nang mataas ang ating sarili. Inaasahan din natin na pahahalagahan tayo nang mataas ng iba. Hangga’t naghahangad tayo ng pagpapahalaga sa sarili sa buhay-ekklesia, nagiging suliranin tayo. Marahil ay lagi tayong nagsasaalang-alang, ‘Paano naman ako, ang aking posisyon, aking hinaharap, at aking interes?’ Kung palagi nating isinasaalang-alang ang ating sarili sa ganitong paraan, hindi natin malulutas ang mga suliranin sa pagbabawi ng Panginoon. Upang malutas ang mga suliranin, dapat tayong maging dalisay, nasubok, at nasiyasat ng Panginoon. Kapag tayo ay may isang dalisay, tunay, at tapat na malasakit para sa pagbabawi ng Panginoon, tayo ay kwalipikadong lutasin ang mga suliranin. Kung hindi, tayo ay nagiging isang suliranin.”

(Elders’ Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way (2), Ch. 1)

Mga banal, makipagbaka tayo para sa kapakanan ng pagbabawi ng Panginoon, ngunit huwag makipagbaka para sa kapakanan ng sarili. Sa pagmamalasakit para sa pagbabawi ng Panginoon, matuto tayong itatwa ang sarili at pasanin ang krus (Mat. 16:24; Marc. 8:34). Kung gagawin natin ito, gagawin ng Panginoon ang iba pang bagay. Ang pagbabawi ay sa Panginoon at Siya ay magiging tapat na ipreserba ang Kanyang interes sa lupa. Sa ating panig, isaalang-alang nating isang kagalakan at kaluwalhatian sa atin kung matitiis natin ang pagdurusa para sa Panginoon at sa kapakanan ng ekklesia (1 Ped. 2:20; 3:17; 4:2; Sant. 1:2). Alalahanin na “kung kayo ay inaalipusta dahil sa pangalan ni Kristo, kayo ay pinagpala sapagkat ang Espiritu ng kaluwahatian at ng Diyos ay nagpapahingalay sa inyo (1 Ped. 4:14).” Sa ganitong paraan, maaari nating maranasan si Kristo at makilala ang kapangyarihan ng Kanyang pagkabuhay na muli habang nakikibahagi tayo sa Kanyang mga pagdurusa alang-alang sa ekklesia, ang Kanyang Katawan.

Pagmiministeryo ng Malulusog na Pagtuturo – Buhay na may Katotohanan

Paano natin matutulungan kung gayon ang ating kapwa mga mananampalataya na naaapektuhan din ng bagyo? Dapat bang manatili tayong tahimik at hindi nagsasalita ng anuman habang sila ay nasisira at natitisod? Sinasabi ng Tito 1:9, “Tumatangan sa tapat na salita, na ayon sa pagtuturo ng mga apostol, upang makapaghikahat siya sa pamamagitan ng malusog na pagtuturo at mapaamin ang mga sumasalungat.” Nagpapatuloy si Pablo sa 2:1, “Ngunit ikaw, salitain mo ang mga bagay na umaangkop sa malusog na pagtuturo.” Nakikita natin nang malinaw sa kanyang mga Liham kina Timoteo at Tito na inaatasan tayo ni Pablo na magsalita at tapat na magturo ng malusog na pagtuturo sa gitna ng napababang sitwasyon (1 Tim. 1:3; 4:6, 12; 2 Tim. 1:13; 2:2). Ang malulusog na pagtuturo ay ang mga salita na ayon sa pagtuturo ng mga apostol na tumutulong sa pagsasagawa ng ekonomiya ng Diyos. Nangangahulugan ito na dapat tayong masangkapan at magsalita ng salita ng Diyos at positibong maghain ng Kristo sa mga banal! Kapang ang mga obhektibong katotohanan ay naging ating subhektibong karanasan, maihahain natin ang katotohanan bilang buhay, liwanag, at realidad sa mga banal, at lalamunin ng katotohanang naghahatid ng mga dibinong realidad ang lahat ng kamatayan at negatibong bagay. Kung tapat tayong maghain ng Kristo, makatatanggap ang mga banal ng kinakailangang panustos ng dibinong buhay upang makatayo laban sa sitwasyon ng kamatayan sa paligid natin. Sa gitna ng kaguluhan, nagpapatuloy lamang si Kapatid Lee na magsalita ng buhay sa mga banal at ekklesia. Hindi niya basta-basta at tuwirang binanggit ang mga akusasyon kundi nagsalita lamang ng mga salita ng buhay. Dapat din tayong matutong magsalita ng mga salita ng buhay sa tuwing nakikipagpulong tayo sa mga banal. Sa ganitong paraan, mayamang matutustusan at matutulungan ang mga banal; maging yaong mga sumasalungat ay mahahatulan at malalagay sa kahihiyan (Tito 2:8).

Ang malulusog na salita ay salungat sa mga mangmang na pagtatanong, mga pagtatalo, mga tunggalian, walang kabuluhang usapan, at pagsalungat (1 Tim. 6:20; 2 Tim. 2:16, 23; Tito 3:9). Lahat ng ito ay nabibilang sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama at nagreresulta sa pagkamatay at pagpatay sa yaong mga nakaririnig. Hindi dapat tayo magsalita ng mga negatibong bagay ng puno ng kaalaman. Sa halip, dapat tayong magsalita ng mga positibong bagay ng puno ng buhay, na siyang mga bagay ng Tres-unong Diyos sa Kanyang mga katangian at kagalingan, kabilang ang Kanyang mga dibinong pagkilos at Kanyang walang hanggang kaligtasan. Ang mga ito ang malulusog na salita, na kapaki-pakinabang sa mga banal (1 Tim. 4:8; 2 Tim. 3:16, Tito 3:8). Dapat tayong magsalita tungkol kay Kristo, sa Espiritu, at buhay! Mga banal, hindi tayo kailanman dapat mapagod sa pagsasalita ng mga bagay ng buhay. Ang pagbabawi ng Panginoon ay ang pagbabawi ng buhay. Kaya, upang mapreserba sa ganitong paraan, dapat tayong tapat na magpatuloy sa mga bagay na itinuro sa atin at ipinagkatiwala sa atin ng ating mga kapatid (2 Tim. 3:14). Lumayo tayo sa puno ng kaalaman at manatili sa puno ng buhay sa kapayakan at katapatan ng puso.

Pagkakaroon ng Dalisay na Puso

Matapos ang kanyang pag-aatas na tapat na ituro ang ekonomiya ng Diyos, sinabi ni Pablo sa 1 Timoteo 1:5, “Ngunit ang layunin ng pag-aatas ay pag-ibig mula sa dalisay na puso at mula sa mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagkukunwari.” Samantalang ang mga kakaibang pagtuturo ay nagreresulta sa pagkainggit at alitan sa gitna ng mga banal, ang pag-iingat sa malusog na pagtuturo ay nangangailangan ng pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, isang mabuting budhi, at pananampalatayang walang pagkukunwari. Sa pagtutuos sa anumang uri ng kaguluhan, dapat tayong magkaroon ng pag-ibig para sa mga banal. Maging sa pakikitungo sa mga sumasalungat sa atin, dapat tayong manatiling dalisay sa pag-ibig sa kanila. Hindi natin nais na kondenahin o ipahiya ang sinuman. Hindi natin nais na magsanhi ng anumang pagsasalangsang. Nais nating iwasan ang mga pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi sa anumang halaga. Maging ang pagsasagawa ng pagbubukod gaya ng inihayag sa Biblia ay hindi para sa pagtatakwil kundi para sa pagbabawi at pagpapanumbalik ng maruming isa (Lev. 13:45-46, Bil. 5:2; 12:10, 14). Para dito, dapat tayong magkaroon ng isang dalisay na puso ng pag-ibig tungo sa mga banal (Juan 13:34; 2 Tim. 2:22; Mat. 5:8; 1 Ped. 1:22). Ang ating gol ay hindi ang alinman sa mga negatibong bagay na ito. Ang ating namumukod-tanging gol dapat ay ang ipalaganap ang pagbabawi ng Panginoon, ingatan ang kaisahan, at itayo ang Katawan ni Kristo. Para dito, ang pag-ibig pa rin ang pinakaekselenteng paraan (1 Cor 12:31; 13:1-13).

Pagsubok sa Ating Pananampalataya at Pagpapadalisay sa Pagbabawi ng Panginoon

Sa huli, dapat nating matanto na sa kapanahunang ito, ang ekklesia ay nakatalagang magdusa ng kaguluhan. Sa kasaysayan ng pagbabawi ng Panginoon, natantiya ni Kapatid Lee na kada sampu o higit na mga taon, tayo ay daranas ng isang bagyo. Hindi dapat tayo magulat kapag dumating ang pagsalungat, sapagkat ang pagbabawi ng Panginoon ay ang pagkilos ng Diyos sa lupa ngayon. Magkakaroon ng mga paninirang-puri at mga akusasyon laban sa atin. Makararanas ang mga ekklesia, mga banal, at maging mga pamilya ng maraming pagdurusa. Gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya niya upang hadlangan ang pagkilos na ito. Subalit ayon sa ating kasaysayan at karanasan, salungat sa ating mga konsepto, nagsisilbi sa katunayan ang kaguluhan na mapadalisay ang pagbabawi ng Panginoon:

Kaguluhan ang pagkakatalaga sa sumusulong na ekklesia, ang manlalakbay na ekklesia. Habang naglalakbay ang ekklesia sa lupa bilang ang sama-samang manlalakbay; nakatalaga itong magdusa ng kaguluhan. Kailangan natin ng gayong kaguluhan para sa pagpapadalisay sa atin. Ayon sa ating pananaw, lubhang hindi maganda ang kaguluhan, ngunit ayon sa ating tunay na sitwasyon, kinakailangan ang kaguluhan.”

(Elders’ Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way (2), Ch. 1)

Ang bawat bagyo ay isang pagkakataon upang mapadalisay ng Panginoon. Kaya, dapat nating siyasatin ang ating sarili kung ano ang ating katayuan sa harapan ng Panginoon: “Iniibig ba natin ang mga kapatid? Dalisay ba ang ating puso tungo sa Kanyang pagbabawi? Malinis ba ang ating budhi? O may isang bagay ba sa loob ng ating katauhan na mali?” Dapat nating isangguni sa Panginoon ang lahat ng bagay na ito at hayaan Siyang padalisayin tayo. Hindi dapat tayo kailanmang mag-akala na tayo ay wasto at na ang iba ay hindi. Kailangan nating tuusin ang sarili at muling ialay ang ating sarili sa Panginoon upang makatayo para sa Kanyang pagbabawi nang may dalisay na puso. Sa pamamagitan ng gayong mga pagtutuos, makikita natin kung gaano maisasagawa ng Panginoon ang Kanyang sarili tungo sa ating katauhan sa gitna ng kaguluhan.

Sa mga panahon ng pagdurusa at kaguluhan, maaari nating matutuhang lahat ang isang mahalagang aral mula sa propetang Zacarias. Si Zacarias na saserdoteng-propeta ay ang anak ni Berechiah at inapo ni Iddo (Zac. 1:1). Sa Hebreo, nangangahulugan ang pangalang Iddo na “sa itinakdang panahon”; ang pangalang Berechiah ay nangangahulugang “magpapala si Jehovah”; at nangangahulugan ang pangalang Zacarias na “maaalaala ni Jehovah.” Kaya, ang kahulugan ng tatlong pangalan ay yaong sa itinakdang panahon ay magpapala si Jehovah at maaalaala ni Jehovah. Kapag nahaharap sa isang bagyo, kaguluhan, o pagkasalanta sa ekklesia, naghihintay tayo sa Panginoon para kay “Iddo”, para sa itinakdang panahon ng Diyos. Tapat ang pangako ng Diyos: “Ngunit silang naghihintay kay Jehovah ay magpapanibagong-lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila, sila’y tatakbo at hindi mapapagod, sila’y lalakad at hindi manghihina“ (Isa. 40:31).

Hindi dapat tayo panghinaan ng loob kapag nakatatagpo tayo ng kaguluhan. Tandaan na ito ang pagbabawi ng Panginoon. Huwag tayong matisod. Kapag nanghihina ang ating pananampalataya, dapat tayong tumingin sa tapat na Isa. Dapat tayong magkaroon ng pananampalataya na iingatan tayo ng Panginoon at palalakasin maging ang Kanyang pagbabawi upang makadaan sa mga gayong bagyo. Siya ang Isa na makapag-iingat sa atin at makapagpepreserba sa atin (1 Tes. 5:23; 2 Tes. 3:3; Jud. 24). Siya rin ang Isa na magtatayo ng Kanyang ekklesia ayon sa Kanyang pangako sa Mateo 16:18. Huwag nating pagtuunan ang kaguluhang nasa harapan natin kundi si Kristo na magdadala sa atin nang ligtas sa kabilang panig. Pinaaalalahanan tayo ng Awit 107: 29, “Kanyang pinatigil ang bagyo, anupa’t ang mga alon ng dagat ay tumahimik.” Nawa’y mapalakas at mahikayat tayong lahat na magpatuloy sa daan ng buhay at katotohanan sa kasalukuyang pagbabawi ng Panginoon.