Ipinipreserba ng wastong pagsasagawa ng kuwarentena ang pagtatayo ng Katawan ni Kristo at dinudurog si Satanas sa ilalim ng ating mga paa (Roma 16:17, 20). Gayunpaman, maaaring maling maunawaan at maling gamitin ang kuwarentena. Makikita natin ito sa mga karanasan nina Watchman Nee at Witness Lee, na ilalahad namin ang ilang halimbawa sa ibaba.
Ang Mga Karanasan nina Watchman Nee at Witness Lee
Noong 1924, si Watchman Nee ay itiniwalag ng kanyang anim na kamanggagawa dahil siya ay sumalungat sa ordinasyon ng ilan sa kanila bilang mga pastor, bukod sa iba pang mga kadahilanan. Sa kasong ito, si Kapatid Nee ay itiniwalag dahil siya ay tumayo para sa katotohanan. Bagaman maraming mananampalataya na nakikipagpulong sa kanila ang pumanig sa kanya, hindi hinayaan ng Panginoon na ipagtanggol ni Kapatid Nee ang kaniyang sarili.
Noong 1942, halos ang buong ekklesia sa Shanghai ay naging mapagrebelde tungo kay Kapatid Nee dahil sa isang hindi pagkakaunawaan sa gitna ng mga kapatid. Ito ay pagkatapos na sumang-ayon ni Kapatid Nee na pamahalaan ang parmasyotikong negosyo ng kanyang kapatid upang tustusan ang gawain ng Panginoon, at ilang kapatid na nagtatrabaho sa kanyang pabrika ay naging mapaghangad para sa isang mas mataas na posisyon at nagsanhi ng hindi pagkakaunawaan. Bagaman hindi pa isang tiyak na kuwarentena, kinailangan ni Kapatid Nee na ihinto ang kanyang ministeryo ng anim na taon bilang resulta ng rebelyong ito. Gayunpaman, pagkaraan ng anim na taon, nagkaroon ng isang pagpapanauli, at halos lahat ng nagrebelde ay nagsisi.
Noong 1989, dalawampu’t isang kapatid mula sa siyam na ekklesia sa Europa ang nagsulat ng isang liham ng paghiwalay mula kay Kapatid Witness Lee. Ang mga kapatid na nagsulat ng liham ay nagsabi na isinulat ito “sa harap ng Diyos, sa harap ng mga kapatid sa mga ekklesia-lokal, [at] sa harap ng pang-Kristiyanong publiko”. Sa isang paraan, ito ay isang pagtawag ng paghihiwalay o “pagkukuwarentena” kay Kapatid Lee. Bagaman ang liham na ito ay isinapubliko, ang mga ekklesia sa buong mundo ay hindi sumunod. Ang ganitong pagtugon ay nagpapakita ng damdamin ng Katawan patungkol sa bagay na ito.
Mula sa mga ito, makikita natin na ang pagkukuwarentena ay maaaring maling gamitin. Kaya naman, dapat nating ingatang mabuti ang ating paggamit ng bagay na ito. Sa ibaba ay susuriin natin ang higit pang mga halimbawa ng maling paggamit ng kuwarentena bilang isang babala para sa ating ikatututo.
Mga Halimbawa ng Maling Paggamit sa Kuwarentena
Walang wastong batayan
Ang Biblia ay naglalahad lamang ng tatlong tiyak na kaso na dapat tuusin sa pamamagitan ng kuwarentena, yaong nagsusulong ng pagkakabaha-bahagi (Roma 16:17, Tito 3:10), pagsasalita ng erehiya (2 Juan 7-11), at pamumuhay sa pakikiapid (1 Cor. 5:2, 11, 13). Maliban sa mga ito, wala tayong batayan na ikuwarentena ang mga mananampalataya. Ito ay tinalakay nang detalyado sa “Ang Kuwarentena sa Biblia at ang Maling Paggamit Nito (1).”
Halimbawa, si Diotrefes ay isang tao na ibig maging pangunahin sa mga mananampalataya, nagbubulong-bulong ng masama laban sa mga apostol, at hindi tinatanggap ang mga kapatid. Bagaman mukhang seryoso ang mga kasalanang ito, hindi sinabi ni Juan sa mga mananampalataya na ikuwarentena si Diotrefes.
Kabilang sa mga hindi wastong dahilan upang ikuwarentena ang mga mananampalataya ay ang mga pagkakaiba sa opinyon at paraan ng paglilingkod, hindi pagkakaunawaan at mga hindi pagkakasundo sa gitna ng mga banal, ambisyon para sa posisyon, maging ang pagtanggap sa mga nakuwarentenang banal, o pagdalo sa mga tiyak na kumperensiya at mga pagsasanay, at mga pagkakaiba sa pagtuturo at pagsasagawa ng mga katotohanan na hindi bahagi ng pangkalahatang pananampalataya (Titus 1:4), ), bukod sa iba pa. Nilinaw ni Kapatid Lee na kahit hindi piliin ng mga ekklesia na sundan ang kanyang ministeryo, dapat pa rin silang ituring na mga kapatid at mga tunay na ekklesia-lokal (Salin mula sa Elders’ Training, Book 7, pp. 74-75). Binanggit ng Panginoon Mismo ang ekklesia sa Efeso kahit ang lahat ng nasa Asia, na kung saan nangungunang lunsod ang Efeso, na nagsitalikod mula sa ministeryo ni apostol Pablo (Apoc. 2:1; 2 Tim. 1:15), bagaman nagbabala nga ang Panginoon sa Efeso na nanganganib na maiwala nito ang patungan ng ilawan (Apoc. 2:5).
Walang “ikalawa o ikatlong pagsaway”
Sinasabi sa Tito 3:10 na, “Ang taong mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway, ay tanggihan mo.” Ipinakikita nito na ang pagkukuwarentena ay hindi dapat isagawa sa isang mabilisang paraan. Ito rin ay ayon sa prinsipyo sa Mat. 18:16-18.
Bilang isang halimbawa, ang pagkuwarentena kay Kapatid Titus Chu ay isinagawa lamang matapos naging napakalinaw na ang kanyang gawain ay mapagbaha-bahagi at ang mga kamanggagawa ay gumawa ng napakaraming pagsisikap na iligtas siya. Nagbigay ang mga kamanggagawa ng liham ng pagkuwarentena noong Oktubre 7, 2006, mahigit sa dalawampung taon mula noong unang lumitaw ang mga problema. Ito rin ay pagkatapos ng ilang pagsisikap na iligtas siya, na kinapapalooban ng mga liham noong Hunyo 30, 2005, Agosto 25, 2005, at Hunyo 27, 2006. Pakitingnan ang “From Such Turn Away” sa www.afaithfulword.org para sa higit pang detalyadong salaysay ng bagay na ito.
Maliban sa mga mapagbaha-bahagi
Sinasabi lamang sa atin ng Biblia na lumayo sa “yaong gumagawa ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisurang laban sa mga pagtuturo (Rom. 16:17). Walang binanggit tungkol sa mga yaong tumanggap o sumunod lamang sa mga mapagbaha-bahagi. Nangangahulugan ito na ang mismong paggawa ng pagtanggap sa isa na kinuwarentena ay hindi isang dahilan para makuwarentena.
Higit pa rito, wala tayong nakikitang anumang halimbawa ng pagkuwarentena sa mga ekklesia-lokal sa Biblia, sapagka’t lahat ng kaso ng pagkuwarentena ay kinapapalooban ng mga tiyak na tao. Sa pagsasagawa, bagama’t marami ang sumama sa rebelyon sa huling bahagi ng 1980, binanggit lamang ni Kapatid Lee ang apat na pangalan ng mga dapat na makuwarentena sa The Fermentation of the Present Rebellion. Hindi niya inirekomenda ang anumang kuwarentena para sa mga banal o mga ekklesia na sumunod sa mga ito.
Batay sa posisyon o opinyon ng karamihan
Ang kuwarentena ay isang bagay na nakaaapekto sa buong Katawan. Dahil ang kuwarentena ay mga lider o ang karamihan lamang ang nagsasagawa ay hindi nangangahulugan na ito ay wasto.
Sa kaso ni Kapatid Nee, siya ay itiniwalag ng anim na kamanggagawa noong 1924, sa kabila ng kanyang paninindigan sa katotohanan. Noong 1942, hinarap ni Kapatid Nee ang isang rebelyon ng halos buong ekklesia, ngunit halos lahat ng nagrebelde sa katapusan ay nagsisi. Yaong mga nagtiwalag sa kanya, bagama’t nasa karamihan sila, ay napatunayang mali sa kalaunan; at ang ministeryo ni Kapatid Nee ay pinatunayan ng Panginoon.
Sa kabilang banda, ang malawakang pagkumpirma ng iba’t ibang ekklesia sa apat na pangalang binanggit ni Kapatid Lee noong 1989 ay nagpahayag ng damdamin ng Katawan patungkol sa bagay na ito. Tingnan ang The Problems Causing Turmoil in the Church Life, Chapter 2 para sa higit pang detalye.
Wala nang pagkakataong mabawi
Isinasagawa dapat ang pagkuwarentena na may pananaw na mabawi yaong mga naapektuhan. Bagaman ang “pagtitiwalag” ay nagamit na sa nakalipas, hinimok ni Kapatid Lee ang mga matanda na huwag magtiwalag ng mga mananampalataya sapagkat hindi nito binibigyan ng pagkakataon na mabawi ang mga naapektuhan.
“Gayundin, nadarama ko na mas mabuting iwasan natin ang paggamit ng salitang pagtitiwalag sapagkat dapat tayong maglaan ng batayan, ng pasukan, para sa mga nagkakasala na bumalik. Kung gagamitin natin ang salitang magtiwalag, ito ay napakatindi. Maaari nitong isara ang pinto sa mga nagkakasala. Dapat nating tandaan na kapag kailangan nating magbigay ng “apatnapung latay” dapat nating bigyan lamang ng tatlumpu’t siyam (Deut. 25:3). Huwag kailanman parusahan ang sinuman ng lampas sa limitasyon. Sikaping mabuti na magbigay ng kaunting parusa.”
(Elders’ Training, Book 04: Other Crucial Matters Concerning the Practice of the Lord’s Recovery, Ch. 7)
Nakita rin natin ito sa mga uri ng ketongin sa Lumang Tipan. Bagaman ang mga ketongin ay kinakailangang manatili sa labas ng kampo, sa kalaunan pinahintulutan silang pumasok sa kampo matapos na maalis ang kanilang ketong.
Hindi mula sa pag-ibig
Ang pagkuwarentena sa isang tao ay hindi nangangahulugang napopoot tayo sa taong iyon. Sa katunayan, dapat isagawa ang pagkuwarentena sa loob ng pag-ibig. Ito ay katulad sa isang tao na nahawa sa sakit sa loob ng isang pamilya. Maaaring kailanganin ng pamilya na ikuwarentena ang maysakit upang mapigilan ang pagkalat ng sakit, gayunpaman mahal pa rin siya ng pamilya at gusto siyang gumaling.
“Nadarama ko na dapat tulungan ng lahat ng ekklesia ang mga banal na malaman ang tunay na sitwasyon sa pagbabawi. Dapat matulungan ang mga banal na matanto na ang isang ‘nakahahawang sakit’ ay nasa atin ngayon, at, tulad ng sa larangan ng medisina, dapat nating ikuwarentena ang mga maysakit. Ang pagkuwarentena ay hindi nangangahulugang hindi natin iniibig yaong mga may ‘sakit,’ ni nangangahulugang sila ay aalisin. Nangangahulugan ito na may gagawin tayo upang mapreserba kapwa ang mga nakahahawa at ang iba pang bahagi ng Katawan.”
(Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Ch. 6)
Nawa tayong lahat ay maligtas mula sa anumang maling paggamit o maling pagkaunawa sa pagkuwarentena, at nawa’y mabawi tayo sa wastong paggamit ng bagay na ito para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo!
Mga Halaw mula sa Ministeryo
Mga Halimbawa ng Pagkuwarentena
ANG MGA PAGDURUSA NI KAPATID NEE SA LOOB NG EKKLESIA
Hindi Makatarungang Pagtitiwalag
Ang mga pagdurusa ni Kapatid Nee mula sa ilang mga nasa gitna natin ay mas malala kaysa yaong mula sa Kristiyanidad. Katulad nang ipinakita na natin, ang buhay-ekklesia ay nagsimula sa bayan ni Kapatid Nee noong 1922. Noong 1924 siya ay itiniwalag ng anim na kapatid. Ito ay isinagawa hindi lamang sa pamamagitan ng isang anunsiyo sa pagpupulong bagkus sa pamamagitan din ng isang liham, at ito ay naganap habang wala siya. Isinalaysay niya sa akin nang detalyado ang buong kuwento ng pagtitiwalag sa kanya.
Siya ay gumagawa sa lunsod ng Hangchow, na napakalapit sa Shanghai, nang matanggap niya ang isang liham na nagsasabi sa kanya na siya ay itiniwalag. Sinabi sa akin ni Kapatid Nee na nang sasagutin na niya ito, sinuri siya ng Panginoon, “Ikaw ba ay mapapasa-Aking kamay, o ikaw ay mapapasaiyong sariling mga kamay?” Kaya, walang pagpipilian si Kapatid Nee sa bagay na ito. Matapos ang kanyang gawaing pang-ebanghelyo, siya ay bumalik sa kanyang bayan. Karamihan sa mga kapatid doon na estudyante ay naligtas sa pamamagitan niya, at sila ay galit na galit tungkol sa nangyari. Lubos silang di-sumang-ayon sa ginawa kay Kapatid Nee. Pumunta sila sa piyer upang hintayin ang pagdating ng kanyang bangka. Nang dumating siya, sinabi nila sa kanya na hindi niya dapat tanggapin ang pagtitiwalag na ito at kailangan niyang umaksiyon. Hilong-hilo siya sa kanyang paglalakbay kaya sinabi niya sa kanila na pumunta sa kanyang tahanan nang gabing iyon upang magsalamuha tungkol sa bagay na ito. (Salin mula sa The History of the Church and the Local Churches, Chapter 7, Section 1)
Ang Dalawang Dahilan ng Pagtitiwalag mula sa Foochow noong 1924
Itiniwalag ako ng Foochow noong 1924 sa dalawang dahilan. Una, sinalungat ko ang pag-imbita kay Ginoong Woodberry mula sa Christian and Missionary Alliance upang mag-ordina ng ilan sa amin na maging mga pastor. Ikalawa, sinalungat ko ang paglalagay ng karatula na nagsasabing “Ang Ekklesiang Foochow.” Kalaunan, sinubukan ng mga kapatid na baguhin ang pangalan sa “Ang Ekklesia sa Chuan-Chien-Shan.” [Ang Chuan-Chien-Shan ay isang distrito sa lunsod ng Foochow.] Sinalungat ko ito sapagkat hindi isinasama ng gayong pangalan ang lahat ng mananampalataya sa Foochow. Halimbawa, may iba’t ibang Asosasyong Tsino sa lunsod ng San Francisco, na bawat isa ay kaanib ng iba’t ibang probinsiya. Mayroong palaging pagtatalo sa kalagitnaan nila, minsan may mga baril pa. Ipagpalagay na ang ilang Tsino sa gitna nila ay naglagay ng isa pang karatula na nagsasabing “Ang Asosasyong Tsino.” Ang karatulang ito ay sisirain kaagad. Maaari lamang nilang angkinin na ikinakatawan nila ang lahat ng Tsino sa San Francisco kapag ang lahat ng Tsino sa iba’t ibang asosasyon ay naging isa sa lahat ng bagay. Sa katunayan, sa ilalim ng kasalukuyang sirkumstansiya, ang ilan sa kanila na nasa iisang kaisipan ay maaari pa ring ibigkis ang kanilang sarili nang sama-sama at magkaroon ng hindi opisyal na Asosasyong Tsino na walang opisyal na pangalan at ibinibilang ang lahat ng Tsino. Ang gayong asosasyon ay tatayo sa batayan ng Asosasyong Tsino, ngunit hindi nila ipahahayag ang anuman sa isang panlabas na paraan. Ang ating pagsasagawa ng ekklesia-lokal ay dapat maging nasa katulad na prinsipyo. Kung talagang walang ibang denominasyon sa isang lokalidad, ang isang kapulungan ay maaaring magpahayag sa sarili nito na maging ekklesia-lokal sa lokalidad na iyon. Kung anumang denominasyon ang dumating matapos nito upang magtayo ng isa pang kongregasyon, magsisimula ito ng pagkakabaha-bahagi. Ang isang nauna roon ay may karapatan ng pagkauna. Sa isang lugar kung saan may umiiral nang denominasyon, maaaring sabihin na lamang na ang kanyang pagpupulong ay isa na nagpupulong sa pangalan ng Panginoon. Ang mga salitang ekklesia at kapulungan ay magkapareho sa Griyego, yaon ay ekklesia. (Salin mula sa Collected Works of Watchman Nee, The (Set 2) Vol. 41: Conferences, Messages, and Fellowship (1), Chapter 8)
Ang Paghinto ng Kanyang Ministeryo sa loob ng Anim na Taon dahil sa Rebelyon sa gitna ng mga Banal
Marami ang naibangon upang maglingkod sa Panginoon ng buong panahon, ngunit hindi ganoon kabuti ang sitwasyon sa pananalapi. Bilang resulta, ang mga kamanggagawa ay kinailangang dumaan sa maraming pagsubok ng kahirapan, at marami ang nagkasakit. Sa isang pagpupulong, sinabi sa amin ni Kapatid Nee na humigit-kumulang sa sangkatlo ng ating mga kamanggagawa ang namatay sa tuberkulosis. Itinuro ko sa nakaraang kapitulo na ginamit ni Kapatid Nee ang sangkatlo ng kanyang sahod upang suportahan ang iba para sa gawain ng Panginoon, ngunit ang pangangailangan sa kalagitnaan namin ay napakalaki. Ang ikalawang kapatid ni Kapatid Nee ay isang dalubhasa sa parmasyotikong kimika, at siya ay nagsimulang gumawa ng gamot sa Tsina. Hindi niya alam kung paano mamahala, kaya hiniling niya kay Kapatid Nee na gawin ito. Kinuha ni Kapatid Nee iyon bilang isang oportunidad na magtrabaho upang matustusan ang gawain ng Panginoon.
Mahigit dalawang taon siya sa negosyong ito, mula 1940 hanggang 1942. Pagkatapos, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa gitna ng mga kapatid. Sasabihin ko na higit sa lahat, ito ay galing sa ambisyon. Ang ilan sa mga kapatid na nagtatrabaho sa pabrika ng mga gamot ay nag-ambisyon para sa mas mataas na posisyon. Ang hindi pagkakaunawaan ay lumaki nang lumaki at nangyari sa isang antas na ang buong ekklesia sa Shanghai ay naging mapagrebelde kay Kapatid Nee na may ilang di-kasama.
Sa panahon ding iyon, ang pulis-militar ng Hapon ay naroon at sinikap na arestuhin si Kapatid Nee. Napuwersa ng sitwasyong ito ang ekklesia sa Shanghai na “isara ang kanilang mga pinto.” Tinangkang puwersahin ng pulis-militar ng Hapon ang ekklesia sa Shanghai na sumama sa huwad na asosasyon ng Kristiyanidad na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Hindi puwedeng gawin ito ng ekklesia. Gayundin, sa loob ng ekklesia ay may isang malaking kaguluhan laban kay Kapatid Nee. Kaya, walang paraan ang ekklesia na magpatuloy.
Matalino si Kapatid Nee na lumayo at tumakas mula sa Shanghai. Kung hindi, malamang na naaresto siya ng mga pulis-militar ng Hapon. Pumunta siya sa sentro ng Tsina at ipinagpatuloy ang kanyang pabrika ng gamot sa Chungking, ang kapitolyo ng Tsina sa panahon ng digmaan. Isang malaking tulong si Kapatid Samuel Chang kay Kapatid Nee sa pabrika ng gamot na iyon. Dahil sa malaking kaguluhan sa ekklesia sa Shanghai, si Kapatid Nee ay walang ibang pagpipilian kundi ihinto ang kanyang ministeryo. Nahinto ang kanyang ministeryo ng anim na taon. Mayroong mga usap-usapan na siya ay labis na naokupahan sa kanyang parmasyotikong negosyo at walang panahon upang magministeryo. Hindi ito totoo. Hindi siya nagministeryo dahil sa rebelyon. Ito ang huli at ang pinakamalaking pagdurusa na kailangang tiisin ni Kapatid Nee bago ang kanyang pagkakakulong.
Noong 1948 may isang malaking pagpapanauli ang naganap sa atin, at si Kapatid Nee ay bumalik sa kanyang ministeryo. Sa pamamagitan ng pagpapanauling iyon, halos lahat ng nagrebelde ay nagpahayag sa kanya ng kanilang pagsisisi. Bagama’t marami ang naging mapagrebelde tungo kay Kapatid Nee, sila ay hindi laban sa ekklesia. Ito ang isang tunay na patotoo na halos lahat ay nanatili sa ekklesia at walang bumalik sa mga denominasyon. Sa panahon ng rebelyon, may ilang pumunta kay Kapatid Nee at hinikayat siya na magtayo ng isa pang pagpupulong. Sinabi niya na hindi ito dapat gawin. Sinabihan niya itong mga banal na kahit pa ang ekklesia ay laban sa kanya o para sa kanya, ito pa rin ang ekklesia, at kailangan nilang magpatuloy sa loob ng ekklesia.
Nang bumalik si Kapatid Nee sa kanyang ministeryo, nagkaroon ng mas malaking pagpapanauli. Ang mga ekklesia ay nagdesisyon na bumili ng isang malaking piraso ng lupa para sa isang bahay-pulungan na makapag-uupo ng tatlong libo sa loob at dalawang libo sa labas. Ang presyo ng lupa ay humigit-kumulang isang daang libong dolyar, at ang presyo ng pagpapatayo ng bahay-pulungan ay halos pareho ng halaga. Nasa akin ang responsabilidad ng mga bagay na ito ng pananalapi. Isang araw, sinabi sa akin ng asawa ni Kapatid Nee na ninanais ni Kapatid Nee na pumunta ako sa kanyang tahanan ng gabing iyon. Nang pumunta ako sa kanyang tahanan, ibinigay niya sa akin ang tatlumpu’t pitong bara ng ginto na sampung onsa bawat isa. Ito ay tatlong daan at pitumpung onsa ng ginto na limampung dolyar bawat onsa nang panahong iyon. Sinabi niya, “Kunin mo ito at gamitin mo para sa pambayad sa lupa.” Sinabi niya sa akin na nakuha niya ito mula sa parmasyotikong negosyo. (Salin mula sa The History of the Church and the Local Churches, Chapter 7)
Ang Maling Paggamit ng Kuwarentena
Hindi tinanggap ni Diotrefes ang mga apostol at nagngangawa ng masasamang salita laban sa kanila; ni hindi rin niya tinanggap ang mga kapatid, at yaong mga may ibig tumanggap ay pinagbawalan niya at pinalayas sila sa ekklesia. Kung napuntahan ni apostol Juan ang ekklesia, malamang ipaaalaala niya ang mga ginawa ni Diotrefes sa mga mananampalataya (v.10). Kailangan nating maging maingat sa pagtutuos ng ganitong kaso. Ang mga ginawa ni Diotrefes ay tiyak na nakabuo ng isang malaking kasalanan. Gayunpaman, hindi ipinahiwatig ng apostol na ang kasalanan ni Diotrefes ay may kalabisan hanggang sa isang antas na kailangan siyang makuwarentena. Hindi nagsabi sa atin si Juan na ikuwarentena ang gayong tao. Kahit ang mga makasalanang gawa tulad nito sa loob ng buhay-ekklesia ay dapat matuos sa pamamagitan ng labis na pagsasaalang-alang, na may pag-asang ang mga makasalanang gawa ay maiwawasto matapos ang ilang katumbas na mapagmahal na pagsaway at parusa. (Salin Mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 5)
Partikular nating pinag-aralan ang 1 Corinto 5:13. Ang salitang isinaling alisin dito ay kinuha sa Septuagint (Griyego) na bersiyon ng Lumang Tipan. Ang pag-aalis ng makasalanang kapatid sa 1 Corinto 5 ay tulad ng paglalagay ng ketongin sa labas ng kampo sa Lumang Tipan (Lev. 13:45-46; Blg. 5:2). Sa Mga Bilang 12, si Miriam ay nagrebelde laban kay Moises, at siya ay nagkaroon ng ketong. Inalis siya mula sa kampo nang pitong araw, hanggang gumaling ang kanyang ketong. Isa itong uri ng pagkukuwarentena. Maraming usap-usapan sa gitna ng mga Kristiyano hinggil sa bagay ng pagtitiwalag. Mali na itiwalag ang isang mananampalataya. Ang itiwalag ang isang tao ay ang pabayaan siya, ngunit ang alisin ang isang tao ay ang ikuwarentena siya na may pag-aasam na magiging maayos siya. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 5)