Ang bagay ng kuwarentena ay nagkaroon ng isang napabagong kahulugan nitong mga kamakailang panahon. Gayunpaman, yamang hindi maraming banal ang pamilyar sa pagsasagawang ito, tila di-nauunawaan at ginagamit nang mali ng iba ang kuwarentena. Kaya, kailangan nating bumalik sa Salita ng Diyos upang pag-aralan ang mga prinsipyo mula sa Biblia at sa ministeryo hinggil sa pagkukuwarentena ng mga mananampalataya. Ipinapaloob ng mga ito ang kahulugan at layunin ng kuwarentena, ang batayan sa Kasulatan, at mahahalagang prinsipyo hinggil sa bagay na ito.
Ang Kahulugan at Layunin ng Kuwarentena
Ang prinsipyo ng kuwarentena ay ang pigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit sa Katawan. Ito ay katulad ng pagkukuwarentena sa isang miyembro ng isang pamilya na nagkasakit upang mapigilan ang pagkalat nito sa ibang miyembro ng pamilya.
Gaya ng sa isang pamilya, hindi ito nangangahulugan na hindi natin iniibig ang mga nakuwarentena. Sa katunayan, isinasagawa ang pagkukuwarentena na may pananaw na ang yaong mga nakuwarentena ay mababawi. Iniingatan nito ang mga nakahahawa at ang ibang mga miyembro. Sinabi ni Kapatid Witness Lee:
“…Ang lumayo sa mga mapagbaha-bahagi at yaong mga nagsasanhi ng pagkatisod ay ang ikuwarentena ang mga mapagbaha-bahaging ito. Kapag ang isang tao sa isang pamilya ay may nakahahawang sakit, lumalayo ang mga miyembro ng pamilya sa nahawahang tao upang hindi sila mahawahan ng parehong sakit. Kung hindi sila lalayo sa nahawahang miyembro, maaaring sila mismo ay mahawahan at magkalat ng mga nakahahawang mikrobyo sa ibang miyembro ng kanilang pamilya. Hindi ito nangangahulugan na hindi iniibig ng mga miyembro ng pamilya ang nahawahang miyembro o pinabayaan na siya; nangangahulugan lamang ito na nais pigilan ng ibang miyembro ang pagkalat ng mga nakahahawang mikrobyo.”
(Salin mula sa To be Saved in the Life of Christ as Revealed in Romans, Ch. 5)
Ang pagsasagawa ng kuwarentena sa Bagong Tipan ay isinasagisag ng mga ketongin na kailangang manatili sa labas ng kampo sa Lumang Tipan (Lev. 13:45-46; Bil. 5:2; 12:10, 14). Sa kaso ng isang ketongin, mapahihintulutan siya na pumasok sa kampo matapos gumaling ang kanyang ketong at malinisan (Lev. 14:2-9). Sa Mga Bilang 12, Si Miriam ay nagsalita laban kay Moises, naging ketongin, at dapat ilabas ng kampo. Gayunpaman, siya ay pinapasok muli matapos ang pitong araw niyang nasa labas ng kampo.
Ang Batayan sa Kasulatan
Ang bagay ng kuwarentena ay inihahayag sa Biblia. Nagpapakita ang Bagong Tipan ng tatlong tiyak na pagsubok o suliranin na tutuusin ng kuwarentena: pagtataguyod ng pagkakabaha-bahagi (Roma 16:17; Tito 3:10), pagsasalita ng erehiya (2 Juan 7-11), at pamumuhay sa pakikiapid (1 Cor. 5:2, 11, 13).
Ang pagkakabaha-bahagi ay isang seryosong kasalanan na sumisira sa Katawan ni Kristo. Sa pagtutuos sa pagkakabaha-bahagi, hinihikayat ni Pablo ang mga kapatid na lumayo sa mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi at nagsasanhi ng pagkakatisod (Roma 16:17). Sinasabi ng Tito 3:10, “Ang taong mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway, ay tanggihan mo.” Ito ang ikuwarentena ang mga taong mapagbaha-bahagi at mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, ngunit pagkatapos lamang ng una at ikalawang pagsaway. Hindi ito nangangahulugan na dapat nating tanggihan ang isang tao na nakikilahok sa isang pagpupulong na itinuturing nating isang pagkakabaha-bahagi. Ang isang taong mapagbaha-bahagi o mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat ay isa na aktibong nagtataguyod ng pagkakabaha-bahagi.
Sa 2 Juan 7-11, sinabihan ni Apostol Juan ang mga mananampalataya na huwag tanggapin ang yaong mga lumalagpas at hindi nananatili sa pagtuturo ni Kristo. Higit pa rito, sa 1 Corinto 5, nagsasalita si Pablo ukol sa “pag-aalis” ng masamang tao, na tumutukoy sa yaong mga namumuhay sa mahahalay na kasalanan. Ito ay ang ikuwarentena ang mga erehe at yaong mga namumuhay sa mahahalay na kasalanan.
Mga Prinsipyo Hinggil sa Pagkukuwarentena sa mga Mananampalataya
Pangangalaga sa Damdamin ng Katawan
Sa bagay ng kuwarentena, kailangan nating isaalang-alang, igalang, at respetuhin ang damdamin ng Katawan. Ang lahat ng ginagawa natin ay may kinalaman sa Katawan. Walang “lokal na katawan,” kundi isang Katawan lamang na binubuo ng lahat ng mananampalataya sa lupa. Sinabi ni Kapatid Lee:
“Sa The Fermentation of the Present Rebellion ikuwarentena. Ang mga ekklesia sa California, Kanlurang Malaysia, at Taiwan ay nagpadala rin ng hayag na liham upang ikuwarentena ang mga ito. Sa bagay na ito ay hinihipo natin ang isang dakilang katotohanan, ang katotohanan ng Katawan. Ginagalang ba natin ang Katawan? Ang mga ekklesia sa California, Kanlurang Malaysia, at Taiwan ay mga bahagi ng Katawan. Hindi ba dapat natin silang igalang at respetuhin ang kanilang damdamin? Subalit ang ilan ay hindi malinaw at matibay sa pag-iingat ng katotohanan upang panatilihin ang damdamin ng Katawan, na binubuo ng lahat ng ekklesia.”
(Salin mula saThe Problems Causing Turmoil in the Church Life, Ch. 2)
Sa gayunding paraan, walang “lokal na kuwarentena.” Ang tanggapin o tanggihan ang isang mananampalataya ay hindi isang lokal na bagay. Ito ay isang bagay na nakaaapekto sa buong Katawan, at samakatwid, anumang kuwarentena na ginagawa para sa partikular na mga mananampalataya ay kailangang isagawa nang may pananaw sa buong Katawan.
“Ang tanggapin ang mga banal sa positibong panig at tanggihan ang mga banal sa negatibong panig, gayunpaman, ay napakahalaga sapagkat nakaaapekto ito sa buong Katawan. Hindi mo dapat ituring ito na isang lokal na bagay, sapagkat isa itong bagay na nabibilang sa Katawan. Kung tatanggihan mo ang isang banal sa iyong ekklesia-lokal, tinatanggihan mo ang isang iyon sa Katawan. Kung hindi mo tinatanggap ang isang banal sa iyong ekklesia-lokal, hindi mo tinatanggap ang isang iyon tungo sa Katawan. Ang aspektong ito ay higit pa sa mga rehiyon at mga ekklesia rin. Isa itong bagay ng Katawan at hindi lamang isang bagay ng ekklesia-lokal.”
(Salin mula sa Elders’ Training Book 4: Other Crucial Matters Concerning the Practice of the Lord’s Recovery, Ch. 3)
Pagkatakot sa Diyos
Dapat tayong maging maingat sa pagsasagawa ng kuwarentena sa isang kapatid. Dapat tayong matakot sa Diyos at makitungo sa mga mananampalataya sa loob ng ating espiritu sa pamamagitan ng Espiritu. Sa Elders’ Training, Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, naglahad si Kapatid Lee ng limampu’t isang kaso sa Bagong Tipan kung saan nasubok ang kaisahan ng Katawan at ang isang puso’t kaisipan. Mula sa limampu’t isang kasong ito, karamihan ay inasikaso sa isang positibong paraan, at tanging tatlong partikular na pagsubok lamang ang tinuos sa paraan ng kuwarentena. Ang mga ito ay pagkakabaha-bahagi, erehiya, at pamumuhay sa pakikiapid. Nagpapahiwatig ito na ang intensiyon ng Panginoon sa mga pagsubok na ito ay ang “mag-ayos, magwasto, sumagip, magbawi, at magpasakdal” para sa pagtatayo ng Kanyang Katawan. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Ch. 5)
“Uulitin ko, dapat sundin ng mga matanda ang Espiritu sa bawat bagay. Kung babawalan nila ang isang banal sa pagdalo ng pagpupulong ng hapag o ikukuwarentena siya mula sa salamuha ng ekklesia, dapat silang matakot at manginig. Hindi sila makagagawa ng di-makatarungang desisyon batay sa titik ng Biblia. Kung nakagawa ang isang banal ng isang kasalanan kung saan siya dapat ay ikuwarentena, ngunit siya ay nagsisi, dapat siyang patawarin. Dapat lamang ikuwarentena ang isang banal kung siya ay nananatiling di-nagsisisi. Hindi tayo maaaring maging isang hukuman ng batas; kung hindi, tayo ay magiging isang organisasyon. Dapat nating tandaan na kahit nagkasala ang isang banal, siya pa rin ay isang sangkap ng Katawan ni Kristo. Dapat nating lutasin ang problema ayon sa ating organikong pangsyon. Dapat tayong matakot sa Diyos sa lahat ng bagay. Ito ay isang organikong aralin na dapat matutuhan ng mga matanda sa kanilang pangangasiwa ng ekklesia.”
(Salin mula saCrucial Words of Leading in the Lord’s Recovery, Book 3: The Future of the Lord’s Recovery and the Building Up of the Organic Service, Ch. 16)
Hindi Pagtatakwil
Ang kuwarentena ay hindi isang pagtatakwil. Ang itakwil ang isang tao ay ang pabayaan siya, samantalang ang kuwarentena ay isinasagawa nang may pananaw na bawiin ang apektadong tao. Sinabi ni Pablo sa mga banal sa Corinto na “alisin ang masamang tao” (1 Cor. 5:13); subalit pagkatapos magsisi ng nakondenang kapatid (2 Cor. 7:9-12), pinakiusapan ni Pablo ang ekklesia na patawarin, aliwin, at ibigin siya (2 Cor. 2:7-11).
Walang Natural na Pagmamahal
Ang kuwarentena ay dapat gawin nang walang personal na pagmamahal o katapatan. Gaya ng kailangang tanggihan nina Moises at Aaron ang kanilang natural na relasyon kay Miriam sa pagtutuos sa kanya (Bil. 12:9-16), hindi dapat isaalang-alang ang mga personal na relasyon kapag nagkukuwarentena ng mga mananampalataya.
“Kailangan din nating lumayo sa mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi (Roma 16:17; Tito 3:10; 1 Cor. 1:3). Kahit na ang isang malapit na kamag-anak gaya ng ating asawa, ama, ina, kapatid ay isang gumagawa ng pagkakabaha-bahagi, dapat tayong lumayo sa kanilang pagkakabaha-bahagi. Gayundin ito sa ating malalapit na kaibigan. Bagama’t mahirap lumayo sa ating malalapit na kaibigan, dapat nating matanto na ang pagkakaibigan ay isang bagay at ang pagsasalamuha sa loob ni Kristo at sa Kanyang Katawan ay isa pang bagay. Nang ang kapatid na babae ni Moises, si Miriam, ay naging ketongin, siya ay kinuwarentena sa presensiya ni Moises (Bil. 12)…”
(Salin mula saThe Practice of the Church Life according to the God-ordained Way, Ch. 1)
Pagsasagawa sa pamamagitan ng Karunungan, nang may Pagtitiis, at sa loob ng Pag-ibig
Maraming panahon ang ginugol ni Kapatid Lee sa paksa ng kuwarentena sa mga kapitulo 6 at 7 ng Elders’ Training, Book 4. Doon ay inatasan ni Kapatid Lee ang mga nagpapasan ng responsabilidad na huwag itakwil ang mga nagkakasalang banal kundi ang iaplay sa kanila ang pagdidisiplina ng Panginoon “sa pamamagitan ng karunungan, nang may pagtitiis, at lubusang nasa loob ng pag-ibig.” Ang kabanalan ng Diyos, ang Kanyang katuwiran, at ang patotoo ng ekklesia ay dapat itaguyod subalit hindi kailanman dapat isagawa ang kuwarentena sa loob ng di-matuwid na poot ng tao (Sant. 1:20).
Pagkatapos magsulat tungkol sa pagtutuos sa mga mapagbaha-bahagi sa Roma 16:17, sinasabi ni Pablo, “At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa lalong madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. (Roma 16:20a)” Nagpapakita ito na bilang resulta ng wastong pagsasagawa ng kuwarentena, si Satanas ay madudurog sa ilalim ng ating mga paa. Nawa’y matutuhan nating iaplay ang bagay na ito sa wastong paraan, sa loob ng pag-ibig at may pagmamalasakit sa damdamin ng Katawan, nang sa gayon si Satanas ay madurog sa ilalim ng ating mga paa!
Mga Susing Bersikulo
Tito 3:10 Ang taong mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway, ay tanggihan mo,
2 Juan 9 Ang sinumang lumalabis at hindi nananahan sa pagtuturo ni Kristo, ay walang Diyos; siya na nananahan sa pagtuturo, ang isang ito ay mayroong kapwa ng Ama at ng Anak.
2 Juan 10 Kung ang sinuman ay dumating sa inyo at hindi dala ang pagtuturong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyong sasabihin sa kanya, Magalak ka!
1 Cor. 5:2 At kayo ay mapagpalalo, at hindi kayo bagkus nangagdalamhati, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa ng gawang ito.
1 Cor. 5:11 Datapuwa’t sinusulatan ko nga kayo na huwag makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya ay isang mapakiapid, o sakim, o mananamba sa diyos-diyosan, o manlalait, o manlalasing, o mapangamkam; sa gayon ay huwag man lamang kayong makisalo.
1 Cor. 5:13 Datapuwa’t nangasalabas ay Diyos ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.
Roma 16:17 Ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na maingat ninyong bantayan ang mga yaong gumagawa ng mga pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisurang laban sa pagtuturo na inyong nangapag-aralan, at kayo ay magsilayo sa kanila.
Mga Halaw sa Ministeryo
Ang Kahulugan at Layunin ng Kuwarentena
Nadarama ko na dapat may gawin ang lahat ng ekklesia upang tulungan ang mga banal na malaman ang tunay na sitwasyon sa pagbabawi. Dapat matulungan ang mga banal na matanto na ang isang “nakahahawang sakit” ay nasa kalagitnaan natin ngayon, at, gaya ng sa larangan ng medisina, dapat nating ikuwarentena ang mga maysakit. Ang magkuwarentena ay hindi nangangahulugang hindi natin iniibig ang yaong mga “maysakit,” ni nangangahulugan ito na paaalisin natin sila. Nangangahulugan ito na gumagawa tayo upang ipreserba kapwa ang mga nakahahawa at ang iba pa sa Katawan. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 6)
Sa pakikipagtuos sa mga mapagbaha-bahagi, dapat din nating kunin ang salita ni Pablo sa Tito 3:10: “Ang taong mapagpangkat-pangkat-upang sumalungat, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway, ay tanggihan mo,.” Ang isang taong mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat ay isang mapagbaha-bahagi at makasektang tao. Ayon sa salita ni Pablo sa Roma 16:17 at sa Tito 3:10, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway, dapat nating tanggihan ang mga gayong tao at lumayo sa kanila. Ang gawin ito ay ang ikuwarentena ang mga gayong tao. Ang ikuwarentena ang isang tao ay hindi nangangahulugang kinamumuhian natin ang taong iyon. Kung ang isang miyembro sa isang pamilya ay nagkasakit ng isang nakahahawang sakit, kailangang ikuwarentena siya ng ibang miyembro ng pamilya para sa kaligtasan ng buong pamilya. Kung hindi, maaapektuhan ang buong pamilya. Gayundin, ang isagawa ang salita ni Pablo sa Roma 16:17 at sa Tito 3:10 ay ang ikuwarentena ang mga mapagbaha-bahaging sangkap sa Katawan ni Kristo. Hindi ito pagtuturo ko; ito ang aking paglalahad ng banal na Salita sa inyo. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 7)
Partikular nating pinag-aralan ang 1 Corinto 5:13. Ang salitang isinaling alisin dito ay kinuha sa Septuagint (Griyego) na bersiyon ng Lumang Tipan. Ang pag-aalis sa makasalanang kapatid sa 1 Corinto 5 ay tulad ng paglalabas ng ketongin sa kampo sa Lumang Tipan (Lev. 13:45-46; Bil. 5:2). Sa Mga Bilang 12, si Miriam ay nagrebelde laban kay Moises, at siya ay nagkaroon ng ketong. Inalis siya mula sa kampo nang pitong araw, hanggang sa malinis ang kanyang ketong. Isa itong uri ng pagkukuwarentena. Maraming usap-usapan sa gitna ng mga Kristiyano hinggil sa bagay ng pagtatakwil. Mali na itakwil ang isang mananampalataya. Ang itakwil ang isang tao ay ang pabayaan siya, ngunit ang alisin ang isang tao ay ang ikuwarentena siya na may pag-asam na maging maayos siya. (Salin sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 5)
Ang Batayan sa Kasulatan
Ayon sa Roma 16:17 at Tito 3:10, kailangan nating ikuwarentena ang mga mapagbaha-bahagi. Inaatasan tayo ng Roma 16:17 na lumayo sa mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi. Ang lumayo sa kanila ay ang ikuwarentena sila. Sinasabi ng Tito 3:10 na dapat nating tanggihan ang taong mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat (makasekta, mapagbaha-bahagi) pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway. Ang tanggihan ang gayong isa ay ang ikuwarentena din siya. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 6)
Kailangan din nating ikuwarentena ang mga erehe, yaong mga lumalampas sa pagtuturo hinggil kay Kristo (2 Juan 7-11). Ayon sa 2 Juan 10, hindi natin dapat tanggapin ang mga gayong tao sa ating tahanan, at hindi pa nga natin sila dapat batiin. Ito rin ang ikuwarentena sila. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 6)
Bilang karagdagan, ayon sa 1 Corinto 5:2 at 11 hanggang 13, kailangan nating ikuwarentena ang mga mapakiapid, na namumuhay sa isang gayong mahalay na kasalanan, sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila sa salamuha ng ekklesia. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 6)
Sa lahat ng pagsubok ukol sa kaisahan ng Katawan at sa isang puso’t kaisipan ng ekklesia na naitala sa itaas, tatlo lamang— pagkakabaha-bahagi, mga erehiya, at pakikiapid—ang hindi pinahihintulutan at kailangan ng pagkukuwarentena ng mga ekklesia at mga banal ayon sa pagtuturo ng mga apostol. Sinisira ng mga pagkakabaha-bahagi ang Katawan ni Kristo, at iniinsulto ng mga erehiya ang persona ni Kristo at sinisira din ang gawa ni Kristo. Kaya, ang mga pagkakabaha-bahagi ay negatibong may kaugnayan sa Katawan ni Kristo, at ang mga erehiya ay negatibong may kaugnayan kay Kristo sa Kanyang persona at Kanyang gawa. Ang pakikiapid ay isang mahalay na kasalanan na sumisira sa sangkatauhang ginawa ng Diyos upang maging mga sangkap ng Katawan ni Kristo. Kung nagaganap ang tatlong bagay na ito sa ekklesia, mapawawalang-saysay ang Katawan ni Kristo, lubusang mapipinsala ang mismong Kristo, at ganap na masisira ang sangkatauhang ginagamit bilang mga bumubuong-sangkap ng Katawan ni Kristo. Kaya, hindi mapahihintulutan ang tatlong suliraning ito, at dapat nating ikuwarentena ang yaong mga nasangkot sa mga suliraning ito, upang ipreserba ang pagtatayo ng Katawan ni Kristo. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 5)
Maaaring may ilang mapagbaha-bahaging sangkap sa kalagitnaan natin. Tinutukoy ni Pablo ang mga ito sa Roma 16:17, na nagsasabi, “Ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na maingat ninyong bantayan ang mga yaong gumagawa ng mga pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisurang laban sa pagtuturo na inyong nangapag-aralan, at kayo ay magsilayo sa kanila.” May ilang gumagawa ng pagkakabaha-bahagi nang sinasadya. Kailangan nating lumayo sa gayong mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi. Sinasabi sa Tito 3:10 na dapat nating tanggihan ang mga mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, makasektang sangkap. Ilang sangkap ang labis na mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, labis na makasekta, labis na mapagbaha-bahagi, at ang kanilang layunin sa pakikipag-ugnay sa iba ay magsanhi ng pagkakabaha-bahagi. May ilang tulad nito ngayon na may intensiyong manatili sa kalagitnaan natin upang magkalat ng kanilang lason. Walang alinlangan, sila ay mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi, at sila ay mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat, makasekta. Yamang sila ay mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi, kailangan nating lumayo sa kanila. Yamang sila pa rin ay mapagpangkat-pangkat-upang-sumalungat pagkatapos ng paulit-ulit na pagsaway, kailangan natin silang tanggihan.
Ito ay ayon sa pagsasagawa ng pagkukuwarentena sa mga ketongin sa tipolohiya (Lev. 13:45-46; Bil. 12:10-15). Nang ang kapatid na babae ni Moses, si Miriam, ay magrebelde, pinarusahan siya ng Diyos ng ketong. Pagkatapos siya ay kinuwarentena. Ang maikuwarentena ay ang maisaisantabi para sa pakinabang ng buong kongregasyon. Ito ay dahil sa lubhang nakahahawa ang mga tiyak na sakit. Kung ang isang tao ay may lubhang nakahahawang sakit, siya ay kinukuwarentena, inihihiwalay kahit sa kanyang kapamilya, hanggang sa siya ay gumaling. Ito ay para sa proteksiyon ng buong pamilya. Inaatasan tayo ng Kasulatan sa parehong paraan. Sinuman ang may espiritwal na karamdaman na sakit ng pagkakabaha-bahagi, na naging isang taong mapagbaha-bahagi, ay dapat ikuwarentena. Ang pagkakabaha-bahagi ay labis na nakahahawa, kaya kailangang matuto ang ekklesia na ikuwarentena ang mga mapagbaha-bahagi. Ayon sa pagtuturo ng mga apostol, dapat tayong lumayo sa kanila o tanggihan sila. Poprotektahan nito ang buong ekklesia upang ang ekklesia ay makapanatili sa isang naprotektahang sitwasyon. (Salin mula sa The Intrinsic View of the Body of Christ, Chapter 6)
Mga Prinsipyo Hinggil sa Pagkukuwarentena sa mga Mananampalataya
Kaguluhan kada kaguluhan ang nangyari dahil sa hindi natin pagkakilala sa Katawan. Ang tanging lunas na makapagpapagaling sa atin sa ganitong uri ng karamdaman ay ang pagkakita sa Katawan. Noong nagturo si Kapatid Nee tungkol sa Katawan, sinabi niya na sa anumang ating gagawin, kailangan nating isaalang-alang kung ano ang mararamdaman ng mga ekklesia tungkol dito. Kapag may gagawin tayo, hindi natin dapat kalimutan na tayo ay mga sangkap ng Katawan, at ang Katawan ay hindi lamang isang lokal na ekklesia. Ang lokal na ekklesia ay hindi isang “lokal na katawan”; kung ganito ito, ito ay nagiging isang lokal na sekta. Ang Katawan ay ang Katawan ni Kristo, binubuo ng Tres-unong Diyos kasama ang lahat ng mananampalataya sa mundong ito, kasama ang lahat ng ekklesia-lokal. (Salin mula sa The Problems Causing the Turmoil in the Church Life, Chapter 3)
Kapwa ang ministeryo at maraming ekklesia sa pagbabawi ay gumawa ng desisyong ikuwarentena ang ilang mapagbaha-bahagi. Hindi tinanggap ng ilan ang desisyong ito at sumama pa sa mga mapagbaha-bahagi. Binale-wala nila ang damdamin ng Katawan. Kung paano tayo gumawi ay nakadepende sa antas ng ating pagkakita sa Katawan. (Salin mula saThe Problems Causing the Turmoil in the Church Life, Chapter 3)
Dapat tayong maging malinaw at matibay sa katotohanan, at kailangan nating isagawa ang katotohanan. Dapat nating isagawa ang katotohanan sa Roma 16:17 at Tito 3:10. Anuman ang ating ginagawa ay may kinalaman sa Katawan, kaya kailangan nating ingatan ang katotohanan. Ang tanging lunas sa sitwasyon ay ang pagbalik ng mga tapat na isa sa katotohanan. Dapat tayong maging mga mandaraig, ang yaong mga nananaig sa lahat ng sitwasyong ito. Dapat tayong bumalik sa katotohanan upang isagawa ang pagbabawi sa paraan ng pagbabawi ayon sa salita ng Panginoon, hindi ayon sa kung ano ang iniisip o nadarama natin. (Salin mula sa The Problems Causing Turmoil in the Church Life, Chapter 2)
Kapag tinatanggap natin ang sinuman sa hapag ng Panginoon, kailangan nating isaalang-alang ang Katawan. Ayon sa prinsipyo ng Roma 14, tinatanggap natin ang lahat ng anak ng Panginoon, ngunit ayon sa Roma 16:17, kailangan nating bantayan yaong mga gumagawa ng pagkakabaha-bahagi at lumayo sa kanila. Hindi natin maaaring tanggapin ang mga gumagawa ng pagkakabaha-bahaging kinuwarentena ng Katawan. Higit pa rito, kailangan nating matanto kung sino ang may pangsyon at kuwalipikasyon bilang saserdote upang makita ang ketong sa mga anak ng Panginoon. Muli ito ay isang bagay ng pagsasagawa ng buhay-Katawan. Kung tinatanggap ng isang ekklesia-lokal ang sinuman na nagkasala sa Katawan sa sukdulan, ang ekklesia-lokal na iyon ay kitang-kitang hindi sumasama at hindi kaisa ng Katawan. Kailangan nating pangalagaan ang Katawan. (Salin mula sa The Problems Causing Turmoil in the Church Life, Chapter 3)
Umaasa ako na gugugol tayo ng ilang panahon upang matutuhan ang wastong paraan ng pagharap sa bawat uri ng problema. Tayong lahat ay dapat makintalan na sa gitna ng maraming uri ng problema, tatlo lamang ang hindi pahihintulutan. Kahit yaong mga nasasangkot sa tatlong hindi pahihintulutang kasalanan, dapat tayong maging maingat sa pagtutuos sa mga ito sa loob ng ating espiritu at sa pamamagitan ng Espiritu. Dapat tayong maging maingat sa pagsasagawa ng kuwarentena sa kanila upang mapigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit. Hinggil sa lahat ng iba pa, dapat tayong mag-ensayo ng ating pagtitiis, nang may pag-ibig, sa pag-asang mabawi sila. Maaaring may ilang kaso na wala nang pag-asa. Hinggil sa tatlong problema ng pagkakabaha-bahagi, erehiya, at mahalay na kasalanan, kailangan nating maging napakaingat sa pagtutuos sa yaong mga nasasangkot, nang sa gayon ang pagtatayo ng Katawan ni Kristo ay makapagpatuloy sa isang wastong paraan, hindi hinahayaang masira ng mga pagkakabaha-bahagi ang Katawan ni Kristo, masira si Kristo ng mga erehiya, at masira ng mahahalay na kasalanan ang sangkatauhang para sa Katawan ng Panginoon. Ang gayong pag-aaral ng limampu’t isang kaso sa Bagong Tipan bilang mga pagsubok sa tunay na kaisahan at sa wastong isang puso’t kaisipan ang tutulong sa atin upang masumpungan ang wastong paraan ng paglutas sa kasalukuyan nating problema sa rebelyon sa kalagitnaan natin. Kaya, ito rin ay isang bahagi ng lunas ng Kasulatan para sa ating problema. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 5)
Hindi tinanggap ni Diotrefes ang mga apostol at nagngangawa ng masasamang salita laban sa kanila; ni hindi niya tinanggap ang mga kapatid, at yaong mga may ibig tumanggap ay pinagbawalan niya at pinalayas sila sa ekklesia. Kung nakaparoon si apostol Juan sa ekklesia, marahil ipaaalala niya sa mga mananampalataya ang mga gawa ni Diotrefes (v.10). Kailangan nating maging maingat sa pagtutuos ng ganitong kaso. Ang mga gawa ni Diotrefes ay tiyak na bumuo ng isang malaking kasalanan. Gayunpaman, ang apostol ay hindi nagpahiwatig na ang kasalanan ni Diotrefes ay hindi pahihintulutan hanggang sa sukat na kailangan niyang makuwarentena. Si Juan ay hindi nagsabi sa atin na ikuwarentena ang gayong tao. Kahit ang mga makasalanang gawa tulad nito sa buhay-ekklesia ay dapat matuos sa pamamagitan ng maraming pagsasaalang-alang, na may pag-asang ang mga makasalanang gawa ay maiwawasto matapos ang ilang mapagmahal na pagsaway at parusa. (Salin mula sa Elders’ Training Book 10: The Eldership and the God-ordained Way, Chapter 5)
Ang mga mananampalatayang namumuhay sa mahahalay na kasalanan ay dapat na hindi isama sa natatanging pagsasalamuha ng Katawan ni Kristo. Ang ilan sa mga mananampalataya sa Corinto ay hindi lamang paminsan-minsang nakagawa ng mahahalay na kasalanan bagkus sila rin ay namuhay sa mahahalay na kasalanan. Sa 1 Corinto 5:9-13 ang apostol ay nagtuturo sa atin na alisin ang ganitong uri ng tao sa kalagitnaan natin. Gayunpaman, maraming Kristiyano ang nagbigay-kahulugan sa salitang alisin bilang pagtatakwil. Ito ay isang pagkakamali. Ang kahulugan dito ay hindi ang magtakwil kundi ang mag-alis. Ang pag-aalis dito ay hindi isang pagtatakwil kundi isang anyo ng pagkukuwarentena, gaya ng ginagamit sa paghihiwalay sa mga taong may nakahahawang sakit (cf. 2 Cor. 2:1-8). (Salin mula sa The Ministry of the New Testament and the Teaching and Fellowship of the Apostles, Chapter 7)
Sa kanyang pagsulat ng 1 Corinto 5:13, sinipi ni Pablo ang salitang alisin sa Septuagint. Sa Levitico at Mga Bilang, nag-atas ang Diyos sa mga Israelita na “alisin” ang ketongin sa kanilang salamuha upang ang isang ito ay gumaling (Lev. 13:45-46). Matapos ang kanyang paggaling, ang gayong isa ay ibabalik sa loob ng pagsasalamuha (chp. 14). Ang pagtutuos dito sa isang ketongin ay isang pagkukuwarentena. Ito, hindi pagtatakwil, ang ibig sabihin ng 1 Corinto 5:13 sa pag-aalis sa yaong namumuhay sa mahalay na kasalanan. (Salin mula sa The Ministry of the New Testament and the Teaching and Fellowship of the Apostles, Chapter 7)
Ang pinakamatinding bahagi ng Salita na tiningnan natin ay hinggil sa bagay ng pagpuputol sa isang banal mula sa salamuha ng ekklesia sa 1 Corinto 5:13, na nagsasabi, “Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.” Karamihan sa mga gurong Kristiyano ang nagbigay-kahulugan sa salitang alisin upang ipakahulugan ang pagtatakwil. Sa katunayan, walang pagtatakwil dito. Ginagamit ni Pablo ang salitang alisin. Ang katunayang hindi ito isang kaso ng pagtatakwil ay ganap na napatunayan din sa ikalawang Liham ni Pablo sa mga taga-Corinto. Sinasabi sa atin ni apostol Pablo na pagkatapos niyang isulat ang unang Liham, siya ay nagsisi na ang kanyang pag-aatas ay napakatindi (2 Cor. 7:8). Dagdag pa, ang kapatid na nakondena ay nagsisi, kaya si Pablo ay sumulat ng ikalawang liham, hinihiling sa ekklesia sa Corinto na patawarin ang kapatid na ito, na tanggapin siya at ibigin siya (2:5-10). Nag-atas si Pablo sa mga banal doon na huwag tanggihan ang kapatid na ito sa anumang paraan; kung hindi, magkakaroon si Satanas ng puwang na pumasok sa sitwasyon (b. 11). Pinatutunayan ng 2 Corinto na ang iniatas ni Pablo sa 1 Corinto 5 ay hindi isang pagtatakwil. Batay lamang sa sariling salita ni Pablo sa 1 Corinto 5, ang alisin ang masamang isang ito ay hindi bumubuo ng isang uri ng pagtatakwil. Una, ang salitang alisin. ay hindi isang legal na katawagan. Lahat ng sinasabi ni Pablo ay ang alisin siya. Kung ito ay isang usaping pambatas, maaaring gamitin ang salitang itakwil. Gayunpaman, si Pablo ay hindi gumamit ng gayong salita. Ipinakikita nito sa atin na ang ating pagkaunawa hinggil sa bagay na ito ay dapat muling isaalang-alang. Dapat itong isaalang-alang ng lahat ng nangungunang kapatid na pumapasan ng responsabilidad para sa patotoo ng mga ekklesia ng Panginoon, sapagkat ang tuusin ang isang kapatid ay hindi isang maliit na bagay. Kailangan nating pag-aralan ang ating saligang-batas, yaon ay ang Bagong Tipan. (Salin mula sa Elders’ Training, Book 04: Other Crucial Matters Concerning the Practice of the Lord’s Recovery, Chapter 7)
Sa Lumang Tipan ay may isang uri ng ketong. Ang kapatid na babae nina Moises at Aaron ay naging ketongin, at siya ay kinuwarentena (Bil. 12:9-16). Kinailangan nina Moses at Aaron na itatwa ang kanilang natural na kaugnayan at pagmamahal upang sundin ang pagsasalita ng Diyos na tuusin si Miriam. Ayon sa sagisag ng Lumang Tipan, kung sino ang ketongin ay nakadepende sa desisyon ng saserdote, ang siyang nakaaalam ng kautusan, ang nakasulat na salita, at siyang mayroon ding kasalukuyang salita ayon sa Urim at Tummim (Lev. 13). Ang malaman ng saserdote kung mayroon o walang ketong ang isang tao ay hindi isang madaling bagay. Maaaring may ketong ang isang tao, at hindi ito kayang malaman ng iba. Ang isa pa ay maaaring mayroong kamukha ng ketong, gayong sa katunayan ay hindi naman. Ang wastong tao na mayroon ng nakasulat na salita at buháy na salita ang may pagkabatid upang pagpasyahan kung mayroon o walang ketong ang isang tao. (Salin mula sa The Problems Causing Turmoil in the Church Life, Chapter 2)